image

PASIG CITY – Inimbitahan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig si Engineer Selwin Lao, presidente ng Wing-An Construction and Development Corporation, para sumama sa ocular inspection ng itatayong bagong Pasig City Hall sa darating na Mayo 14, 2025. Ang paanyaya ay ipinadala sa kanya ni City Administrator Atty. James Manzanero sa pamamagitan ng Messenger dakong 12:01 ng tanghali ngayong araw, at nakita ito ni Engr. Lao bandang ala-1 ng hapon.

Si Engr. Lao ay isang beteranong civil engineer na may 42 taong karanasan at nakapagtayo na ng mahigit 200 proyekto sa larangan ng konstruksyon. Nitong nakaraang linggo, tahasang hinamon niya si Pasig City Mayor Vico Sotto, at sinabing kaya niyang patunayan na may anomalya sa PhP9.2-bilyong halaga ng nasabing proyekto. Ayon kay Lao, kung bibigyan lamang siya ng calculator at computer, kaya niyang ipakita ang overpricing sa loob ng anim na oras. Dagdag pa niya, handa siyang makulong kung hindi niya mapatunayan ito — pero kung tama siya, nananawagan siya kay Mayor Sotto na bumaba sa puwesto.

Giit ni Lao, masyadong mataas ang sinasabing gastos ng proyekto na nasa PhP210,000 kada metro kuwadrado. Ayon sa kanya, kaya niya itong itayo sa halagang PhP46,000 hanggang PhP50,000 kada metro kuwadrado lamang, o kabuuang PhP3.2 bilyon hanggang PhP3.5 bilyon. Handa rin umano siyang tapusin ang buong proyekto sa halagang PhP5 bilyon — malayo sa kasalukuyang PhP9.2-bilyong budget.

Samantala, isa pang isyu ang nais tutukan ni Atty. Christian “Ian” Sia, isang kandidato sa Kongreso sa darating na halalan. Inihayag niya ang layunin niyang amyendahan ang Republic Act 9262 o ang Batas Laban sa Karahasan sa Kababaihan at Kanilang mga Anak (VAWC Law), upang palakasin ang probisyon ukol sa financial support para sa mga batang apektado ng paghihiwalay ng magulang.

Ayon kay Atty. Sia, may mga kaso kung saan bigla na lang umaalis ang ama ng tahanan, nawawalan ng trabaho, at bumabalik sa poder ng sariling magulang — ngunit hindi na nagbibigay ng kahit anong suporta sa mga anak. Sa kasalukuyang batas, may pananagutan din ang mga lolo at lola na tumulong sa pagpapalaki ng kanilang mga apo, ngunit hindi ito malinaw na naipatutupad.

Binanggit din ni Sia ang isang insidente kung saan hindi na kayang sagutin ng health insurance ng ama ang gastusin sa pagpapagamot ng anak, dahilan upang igiit niyang kailangan muling suriin ang batas at palakasin ang proteksyon ng mga bata.

Kapwa usaping may kinalaman sa pananagutan ng pamahalaan at mga magulang ang patuloy na tinututukan ng mga mamamayan ng Pasig, lalo’t papalapit na ang halalan sa Mayo 12.

image

image

image