image

PASIG CITY — Ibinunyag ng dalawang dating kaalyado ni Mayor Vico Sotto ang umano’y iregularidad sa Pasig City Children’s Hospital (PCCH), na ngayon ay ginawang general hospital o ospital para sa lahat.

Sa isang press conference noong Mayo 6, sinabi ni dating Barangay Bambang kagawad Ram Cruz na may ordinansang ginawa para gawing general hospital ang PCCH. Ginamit ito bilang COVID-19 facility noong pandemya. Pero ayon kay Cruz, umabot sa halos ₱10 milyon ang siningil ng ospital sa PhilHealth — na hindi naman tinanggap o inaprubahan.

Paliwanag ni Cruz, para lang talaga sa mga batang may edad 18 pababa ang PCCH. Kaya hindi saklaw ng PhilHealth ang gastusin ng mga adult patients. Kamakailan lang daw ay ininspeksyon ng Department of Health (DOH) ang ospital at pinatigil ang pagproseso ng mga PhilHealth claims.

Ayon pa kay Cruz, maituturing itong technical malversation dahil wala raw permit ang PCCH para tumanggap ng matatanda. Binanggit din niya ang  na ginagamit na rin ngayon bilang general hospital, pero ito raw ay may pahintulot mula sa Sangguniang Panlungsod. Gayunman, wala pa rin daw itong kompletong lisensya mula sa DOH at hindi pa tapos ang renovation.

Sa isang dokumentong may petsang Hulyo 8, 2024, nakasaad na umabot sa ₱315 milyon ang nagastos para sa renovation ng ospital.

Dagdag ni Cruz, kahit malaking halaga ang ginastos, tila napabayaan pa rin ang PCCH.

Samantala, sinabi ni dating Barangay Manggahan kagawad Bobby Hapin na ginamit ang PCCH bilang COVID-19 facility mula Marso 2020 hanggang Disyembre 2022. Ayon sa kanya, ang conversion ng ospital ay nagdulot ng siksikan at wala pa itong pormal na approval mula sa DOH.

Giit niya, dapat ay mga batang pasyente lang ang tinatanggap sa mga ospital tulad ng PCCH at Child’s Hope. May hawak daw siyang dokumento na nagpapakitang may mga PhilHealth claims na umaabot sa ₱10 milyon, pero ito ay hindi tinanggap.

Binanggit din ni Hapin ang mga probinsya ng Sultan Kudarat at South Cotabato na may “zero billing” o libreng pagpapagamot. Aniya, kung may ₱1 bilyon na ipon ang lungsod, dapat sana ay gamitin ito sa pagpapatayo ng bagong ospital para sa mas maayos na serbisyo para sa mga taga-Pasig.

Tumatakbo si Cruz bilang konsehal sa ilalim ng Liberal Party, habang si Hapin ay independent candidate sa ikalawang distrito ng Pasig. “Manalo o matalo, tuloy ang laban para sa katotohanan at transparency,” sabi pa ng dalawa.

image