PASIG CITY — Nangako si Sarah Discaya na magbibigay siya ng zero billing o libreng pagpapagamot, libreng pabahay sa mga Pasigueño at de-kalidad na edukasyon kung siya ay mananalo bilang alkalde sa halalan sa Mayo 12.
Sa ginanap na caucus sa Barangay Palatiw noong Miyerkules (Mayo 7), sinabi ni Discaya na kasama ang buong Team Kaya This, magbibigay din sila ng libreng maintenance medicine para sa mga senior citizen ng Pasig.
Dagdag pa niya, itataas ang cash gift ng mga senior citizen tuwing Pasko mula ₱3,000 tungo sa ₱5,000 simula Disyembre ngayong taon.
Nang bumisita si Discaya sa South Cotabato, nakita niya kung paano ipinatutupad ni Gov. Reynaldo Tamayo ang zero billing sa mga ospital doon — wala nang cashier, lahat ay libre. Dahil dito, pangarap ni Discaya na ganito rin ang maranasan ng mga Pasigueño — libre ang pagpapagamot, at may access sa mga modernong kagamitan tulad ng scanner at MRI.
Nangako rin si Discaya na gagawin nang digital ang pagkuha ng business permits at ibang dokumento sa City Hall upang mapabilis ang proseso para sa mga negosyante.
Bukod pa rito, bago magsimula ang klase, tiniyak niyang ipamimigay sa mga estudyante ang sapatos, uniporme, bag, at iba pang gamit sa pag-aaral.
Bubuhayin din niya ang mga programang pangkabuhayan para sa mga kababaihan upang makatulong sa kita ng pamilya.
Para sa mga pamilyang wala pang sariling bahay, ipinangako ni Discaya na magkakaroon sila ng libreng pabahay sa loob ng Pasig, lalo na’t kapwa Pasigueño at magkamag-anak din naman aniya ang mga residente.
Bilang matagumpay na negosyante, ipinagmamalaki ni Discaya na 100% Pasigueño ang kanyang mga empleyado. Kung siya ang magiging alkalde, sisiguraduhin niyang puro Pasigueño rin ang mga nagtatrabaho sa City Hall.