PASIG CITY — Nilinaw ni Atty. Christian “Ian” Sia nitong Biyernes, Mayo 9, na hindi pa pinal at executory ang desisyon ng Comelec Second Division sa kanyang disqualification case.
Sa isang press conference sa isang Restaurant sa Pasig, sinabi ni Sia na maaari pa niyang iapela ang desisyon sa Comelec En Banc, at kung hindi pabor sa kanya ang resulta, maaari pa rin siyang mag-apela sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Sia, malinaw sa ruling ng Comelec Second Division na isa pa rin siyang kandidato at bibilangin pa rin ang boto para sa kanya habang hindi pa pinal ang desisyon. Giit niya na ang una sa dalawang disqualification case laban sa kanya ay na-dismiss na, habang ang ikalawa lamang ang pinagbigyan.
Binigyang-diin ni Sia na ang diumano’y paglabag niya sa Safe Spaces Act ay hindi sapat na dahilan para siya ay i-disqualify bilang kandidato. Ayon sa kanya, tanging mga kasong may kaugnayan sa vote buying, karahasan, o paggamit ng puwersa ang malinaw na batayan ng diskwalipikasyon sa ilalim ng batas.
Giit pa niya, ang kanyang mga pahayag ay bahagi ng kanyang karapatang magpahayag na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Nanawagan si Atty. Sia sa Comelec na silipin ang mga kandidatong gumagamit ng pondo ng gobyerno o yaman ng estado para mang-impluwensiya ng boto, kasabay ng paalala na ipinagbabawal ng Comelec ang pamimigay ng ayuda sa loob ng 45 araw bago ang halalan, maliban sa tulong medikal at burol sa loob ng 10 araw na total ban.
Tinuligsa rin niya ang pagbabawal sa mga vloggers na mag-cover ng pamamahagi ng scholarship noong Mayo 6 sa Tanghalang Pasigueño, at binansagan niya itong propaganda ng kanyang mga kritiko na nagpapakalat ng maling impormasyong disqualified na siya.
Kung mananalo sa halalan sa Mayo 12, sinabi ni Sia na itutuloy niya ang mga proyektong pang-imprastruktura kabilang ang:
-
Bagong Pasig City Hall na nagkakahalaga ng ₱2.7 bilyon
-
Bagong unibersidad
-
Mga gusali ng high school at elementarya
-
3 kilometro ng bagong kalsada na aabot sa ₱8.7 bilyon ang kabuuang halaga mula 2025–2028
Ipinaliwanag ni Sia na mas makabubuti ang planong ₱8.7 bilyong proyektong ito kumpara sa kasalukuyang plano ng city government na ₱900 milyon para lamang sa isang gusali.
Bago tumakbo sa lokal na pulitika, si Atty. Sia ay nagsilbing Assistant Secretary ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Binanggit din niya na hindi pa rin nasisimulan ang Rosario Sports Complex dahil may mga bahagi ng lupa na hindi pa na-e-expropriate o hindi pa pag-aari ng lokal na pamahalaan.
“Mahirap pong kalabanin ang nakaupo. It takes courage and perseverance,” wika ni Sia.
“Malinaw po sa desisyon ng Comelec na kandidato pa rin ako. Bibilangin ang aking boto. Kapag ako po ay nanalo, maaari lang masuspinde ang aking proclamation.”