QUEZON CITY – Nagsampa ng kasong katiwalian ngayong Miyerkules (Mayo 21) ang Crimes and Corruption Watch International, Inc. (CCWI) laban sa mga opisyal ng DPWH Region 6 dahil sa umano’y maanomalyang bidding at pag-award ng ₱2.4 bilyong proyekto sa IBC Builders, isang paboritong kontraktor, ayon kay Dr. Carlo Magno Batalla, Chairman ng CCWI.
Sa press conference sa Max’s Quezon Memorial Circle, sinabi ni Dr. Batalla na sa kabila ng mga delay sa proyekto ng IBC, patuloy pa rin itong binibigyan ng kontrata. Ayon sa batas, hindi dapat binibigyan ng bagong proyekto ang mga kontraktor na palpak ang performance.
Aniya, umabot sa ₱9.2 bilyon ang kabuuang halagang iginawad ng DPWH Region 6 noong 2024, ₱2.4 bilyon dito ay napunta sa IBC Builders.
Dagdag ni Dr. Batalla, may sapat silang ebidensya para idiin ang mga opisyal, at humiling din sila ng anim na buwang preventive suspension na walang suweldo para sa mga ito.
Paliwanag ni Dr. Batalla, ang mga isinampang kaso laban sa DPWH Region 6 at sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee ay suportado at may sapat na ebidensya.
Sinabi pa ni Batalla na mas madaling mapatunayang guilty sa kasong graft kaysa sa plunder. Binanggit niya ang dating kaso niya laban kay Gov. LRay Villafuerte kaugnay ng anomalya sa pagbili ng 500,000 litrong gasolina.
Ibinida rin ng CCWI ang panalo nila sa kaso laban sa BSP at All Card hinggil sa National ID na may substandard na kalidad. Humiling sila ng pagpapatigil ng kontrata at invalidation ng ID dahil sa delay sa delivery at hindi pagtanggap nito ng mga bangko.
Ayon kay CCWI Deputy Director Millicent Espina, kabilang sa mga inireklamo sina Sonny Boy Orofel at Helen Tan (hindi ang gobernador ng Quezon).
Ayon kay Atty. Al Vitangcol, may nakabinbing petisyon sa Quezon City RTC para ipawalang-bisa ang kontrata ng BSP sa All Card.
Dagdag ni CCWI Executive Director Margaretta Fernandez, mino-monitor din nila ang iba pang ahensya gaya ng DSWD.
Pahayag ni Atty. Eugene Alfaras, “Kapag gumawa ka ng iligal, mananagot ka — administratibo o kriminal. Mabuti at may grupong tulad ng CCWI na lumalaban sa katiwalian.”(PHOTO BY:BEN BRIONES)