PASIG CITY — Nasawi ang isang 15-taóng gulang na binatilyo na si Charles Balangui y Reyes matapos masagasaan ng dump truck na minamaneho mismo ng kanyang sariling ama, sa isang construction site sa lumang Pasig City Hall sa Caruncho Avenue, Brgy. San Nicolas, nitong Huwebes, Mayo 22, 2025.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang 1:45 ng hapon, minamaneho ni Richard Balangui y Contratista, 41 anyos, ang isang itim na truck sa loob ng construction site. Bigla raw niyang naramdaman na parang may nabangga sa likod ng sasakyan. Nang bumaba siya upang tingnan, laking gulat niya nang makitang ang nasagasaan ay ang kanyang anak na si Charles—duguan at wala nang malay.
Agad siyang humingi ng tulong sa mga kasamahan sa trabaho, na siyang tumawag sa pulisya. Rumesponde sina PCpl. Danga at Pat. Sasotana, kasama ang ilan pang mga awtoridad at si Dr. Bernard John San Marcos, pagdating ng mga ito, idineklara nang patay si Charles sa mismong lugar ng insidente, bandang 2:10 ng hapon.
Agad na inaresto si Richard Balangui at dinala sa VTIU Office para sa karagdagang imbestigasyon. Ipinaalam din sa kanya ang kanyang mga karapatan at ang mga kasong maaaring isampa laban sa kanya.
Isa sa mga tanong ngayon sa imbestigasyon ay kung bakit may menor de edad sa isang aktibong construction site. Si Charles ay isang Grade 5 student at residente ng Brgy. Pinagbuhatan. Ayon sa mga ulat, posibleng natutulog o nagpapahinga ang binatilyo sa ilalim ng truck na natatakpan ng lona—base sa salaysay ng mga saksi at sa kumakalat na video online.
Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad kung may kapabayaan sa panig ng contractor o ng mismong ama sa pagpapahintulot sa bata na makapasok sa lugar. Patuloy din ang imbestigasyon sa mga posibleng paglabag sa batas laban sa child labor, occupational safety, at criminal negligence.
Ang insidenteng ito ay isang malupit na paalala kung gaano kahalaga ang mahigpit na seguridad sa mga lugar ng trabaho, lalo na sa mga construction site na may mabibigat na makinarya. Walang puwang ang kapabayaan, lalo na kung may buhay na maaaring malagay sa peligro.
Agad na nagpadala ng emergency personnel ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa lugar ng insidente at magbibigay ng suporta sa pamilya ng biktima.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police – Pasig City Police Station, kasama ang Pasig City Hall Construction Consortium (PCHCC). Tumutulong din ang Pamahalaang Lungsod sa imbestigasyong ito.