image

LUNGSOD NG SAN JUAN — Tiniyak ni Mayor Francis Zamora ang mas mahigpit na seguridad at kaayusan sa pagdiriwang ng taunang Wattah Wattah Festival ngayong taon, kasunod ng mga insidenteng nangyari noong nakaraang taon.

Ayon sa alkalde, mahigit 300 pulis mula sa San Juan Police ang itatalaga sa buong lungsod, lalo na sa loob at labas ng “basaan zone”. Nakipag-ugnayan na rin umano siya kay Eastern Police District Director Gen. Lagradante para sa posibleng augmentation ng mga pulis mula sa EPD.

“Makakaasa kayo na maraming kapulisan sa paligid. Bukod pa rito, makikipagpulong din ako kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre sa Biyernes para talakayin ang posibilidad ng karagdagang pwersa ng pulisya mula sa labas ng EPD,” ani Zamora.

Dagdag pa niya, “Ayokong maulit ang nangyari noong nakaraang taon. Gusto ko na ang kapistahan natin ay maging tahimik, maayos at ligtas para sa lahat.”

Nilinaw ng alkalde na ang bagong ordinansa ay mas tiyak na sa mga probisyon kumpara sa lumang batas, na may mga “loopholes” at hindi malinaw ang saklaw.

Batay sa bagong panuntunan, tanging ang Pinaglabanan Road lamang—mula P. Guevarra Street hanggang N. Domingo Street—ang itinuturing na official basaan zone kung saan legal ang makipagbasaan.

Ang sinumang mambabasa sa labas ng nasabing lugar ay pagmumultahin ng ₱5,000 at posibleng makulong ng hanggang 10 araw.

Kabilang sa mga mahigpit na ipinagbabawal ay ang paggamit ng maruming tubig, water bombs, pagpasok o pagbubukas ng kotse para mambasa, at ang paggamit ng fire truck nang walang pahintulot. Maging ang paggamit ng high-pressure water sprayers na hindi otorisado ay papatawan din ng kaparusahan.

Ipapatupad rin ang liquor ban mula 12:01 AM hanggang 2:00 PM sa buong lungsod. Pagmumultahin ang mga bibili at tindahang magbebenta ng alak  ng ₱5,000.

“Kung gusto ninyong makipagdiwang at makipagbasaan, welcome po kayo sa basaan zone. Pero kung dadaan lang kayo sa San Juan para pumasok sa eskwela o trabaho, huwag kayong mag-alala—hindi kayo mababasa basta’t nasa labas kayo ng zone,” ani Zamora.

Pinalawig din ang oras ng basaan, na dati ay hanggang alas-dose lang ng tanghali. Ngayon ay papayagan ito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.

“Imbes na citywide celebration na mahirap bantayan, ginawa nating ‘controlled zone’ ang selebrasyon para mas madali nating mabantayan at maipatupad ang ating mga regulasyon,” dagdag ni Zamora.

Aminado ang alkalde na maaaring manibago ang mga residente at deboto sa mga bagong patakaran, ngunit aniya, ito ay para sa kapakanan ng lahat.

“This has to stop,” diin ni Zamora. “Tradisyon na ito sa loob ng maraming dekada, pero kailangan nating tiyakin na ligtas, tahimik, at hindi abusado ang ating selebrasyon.”

“Simula ngayong taon, gusto naming masigurong kapag dumaan kayo sa San Juan, hindi kayo mababasa kung ayaw ninyo, hindi kayo maha-harass, at hindi kayo mapapahamak.”

image