image

QUEZON CITY — Nanawagan ang multi-sectoral coalition na Kongreso ng Bayan ngayong Huwebes, Hunyo 19, na magbitiw sa puwesto si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, dahil umano sa kakulangan ng pamumuno, katiwalian, at kawalang-aksiyon sa mga isyu ng bayan, lalo na sa kapakanan ng mga OFW sa gitna ng tensyon sa Middle East.

Ang Kongreso ng Bayan ay binubuo ng mga kinatawan mula sa relihiyoso, katutubo, Muslim, abogado, negosyante, transport groups, OFWs, dating opisyal ng militar, at iba pang sektor. Nauna na rin nilang binawi ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa press conference sa isang Restaurant sa Quezon Memorial Circle, iginiit ni retired Col. Jonathan Galang ng Filipino Guerilla Forces na dapat nang ipasa ni Romualdez ang liderato. Ayon kay Atty. Virgil Garcia, isang retiradong heneral, nasira ang tiwala ng taumbayan dahil sa umano’y pagpapahuli ni Marcos kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para dalhin sa ICC.

Idinagdag ni Garcia na may nakabimbing kasong pekeng dokumento laban kay Romualdez sa Ombudsman, habang hinikayat niya ang taumbayan na magpasiya: “Dapat na bang manatili si Speaker Romualdez?”

Ayon naman kay Chito Balintay ng Alyansa ng Katutubong Ayta, nawawala na ang “delicadeza” sa liderato. Mas matindi ang pahayag ni Ret. Col. Segundo Metran: “Ginagago na ang Pilipino… Walanghiyaan na lang kung di siya magbibitiw.” Ibinunyag din niya ang paghahanda ng kaso laban kay Comelec Chair George Garcia at ang pagsusulong ng People’s Initiative laban sa katiwalian.

Sa hanay ng transport sector, iginiit ni Samuel Ramos ng MANTRA at National Public Transport Coalition (NPTC) na hindi nakikinabang ang transport industry sa public transport modernisasyon at si Romualdez umano ang may kontrol sa pondo nito.

Dagdag pa niya, sa paggamit nila ng electric vehicle ay PHP100 lang ang ginagastos, ngunit kontrolado pa rin ito ni Speaker Romualdez. Nagbanta siya ng mass protest kung hindi ito magbibitiw.

Ibinunyag din ni Ferdinand Reyes ng Duterteam/OFW Veterans ang umano’y suhol na P150 milyon kada kongresista para sa impeachment kay VP Sara Duterte, sabay tanong: “Paano hindi alam ito ni Speaker Romualdez?”

Nanawagan si Reyes ng pagbibitiw: “Romualdez, resign now na!” Aniya, dapat pagtuunan ang kapakanan ng OFWs na nasa peligro dahil sa Israel-Iran conflict.

Bukod pa rito, binatikos niya ang pagtaas ng singil sa tubig mula P150 hanggang P180 nang walang konsultasyon. Aniya, patuloy ang paghihirap ng mga Pilipino sa ilalim ng kasalukuyang liderato.

Sinabi ni Atty. Melchor Magdamo ng United Peoples Initiative na hindi dapat iisang tao lang ang nagdedesisyon sa pambansang badyet, kundi lahat ng 319 miyembro ng Kamara. Tinawag niyang “pinakamasahol” ang kasalukuyang House of Representatives.

Sa panig ng civil society, tinuligsa ni Citizens Crime Watch National President Diego Magpantay ang pakikialam ng ilang kongresista sa distribusyon ng ayuda at itinuring niyang “pinaka-corrupt” ang kasalukuyang Kongreso.

Bagaman may ilang miyembro gaya ni Engr. Manny Macario ng MFLUG ang tumututol sa panawagan ng pagbibitiw, nangingibabaw pa rin ang paniniwala ng grupo na oras na para sa pagbabago ng liderato sa Kamara.

“Ang panawagan namin ay para sa tao at bayan. Dapat magbitiw na si Speaker Romualdez,” pagtatapos ni Reyes.

image