MAYNILA — Simula ngayong Biyernes, Hunyo 20, kalahati na lamang ang pamasahe ng lahat ng estudyante—mula elementarya hanggang postgraduate—sa mga linya ng tren na LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Inanunsyo ito ni Kalihim ng Transportasyon Vince Dizon sa isang panayam sa istasyon ng LRT sa Masinag, Antipolo. Ayon kay Dizon, ito ay bilang pagtugon sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng tulong sa mga mag-aaral ngayong pasukan.
“Malaking ginhawa ito para sa mga estudyante at magulang,” ani Dizon. “Handa ang pamahalaan na akuin ang gastusin para mapagaan ang buhay ng kabataan.”
Bakit sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 ipinatupad?
Paliwanag ni Dizon, pinili ang mga nabanggit na linya ng tren dahil dito pinakamarami ang mga estudyanteng sumasakay araw-araw mula sa iba’t ibang bahagi ng Kalakhang Maynila.
Gaano kalaki ang diskuwento?
Mula sa dating 20% diskuwento, ginawang 50% ang bawas-pamasahe simula Hunyo 20, 2025.
Halimbawa, sa LRT-2, ang dating pamasahe na ₱16 ay magiging ₱8, habang ang pinakamataas na ₱36 ay magiging ₱18.
Sino ang makikinabang?
Sakop ng diskuwentong ito ang lahat ng estudyanteng naka-enrol sa anumang antas ng pag-aaral—mula elementarya, high school, kolehiyo, master’s degree hanggang sa law school.
Ipinatutupad ito araw-araw, kabilang ang Sabado, Linggo, at mga holiday.
Paano makakakuha ng diskuwento?
Bumili ng single-journey ticket sa istasyon at ipakita ang valid school ID o certificate of registration/enrollment.
(Sa kasalukuyan, hindi pa ito naisasama sa beep card, ngunit inaasahang maisasama sa mga susunod na buwan.)
Sino ang sasalo sa kakulangan sa kita?
Tinatayang aabot sa ₱600,000 kada araw ang mababawas sa kita ng LRT-2, at humigit-kumulang ₱100,000 kada araw naman sa pinagsamang kita ng LRT-1 at MRT-3. Ayon sa DOTr, sasagutin ito ng pamahalaan bilang bahagi ng serbisyong pampubliko.