image

MARIKINA CITY — Nagpahayag si Congressman-elect Marcy Teodoro nitong Huwebes, Hunyo 26, na  kasunod ng desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) En Banc na nagbigay-daan sa kanyang proklamasyon.

Kinikilala na ng COMELEC En Banc ang pagiging lehitimo ng kanyang kandidatura bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina matapos aprubahan ang mga inihain niyang Consolidated Motions for Reconsideration.

Ayon sa desisyon, walang nakitang anumang mali o mapanlinlang na impormasyon sa kanyang Certificate of Candidacy (COC). Pinatunayan din ng COMELEC na hindi niya iniwan ang kanyang tahanan o “domicile” sa Unang Distrito at napatunayan ang kanyang aktuwal at pisikal na paninirahan sa Barangay San Roque.

“Dahil sa desisyong ito, wala nang hadlang sa aking proklamasyon bilang halal na Kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina City,” ani Teodoro.

“Malugod kong tinatanggap ang pasyang ito. Pinagtitibay nito ang paniniwala nating mula pa sa simula: na ang tinig ng mamamayan ang pinakamahalaga at dapat laging pakinggan.”

Dagdag ni Teodoro, ang tagumpay na ito ay para sa bawat Marikenyo na patuloy na sumusuporta, nagtitiwala, at naninindigan kasama niya.

“Maraming salamat po sa inyong lahat. Magkaisa tayong maglingkod at magtaguyod para sa ikauunlad ng ating mahal na lungsod ng Marikina.”