MANDALUYONG CITY — Noong Lunes, Hunyo 30, 2025, idinaos ang pormal na seremonya ng panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na opisyal ng Lungsod ng Mandaluyong sa Mandaluyong College of Science and Technology (MCST) sa Barangay Addition Hills, bilang opisyal na pagsisimula ng kanilang panunungkulan sa lungsod.
Pinangunahan ni outgoing Mayor Benjamin “Ben” Abalos ang seremonya bilang inducting officer. Dinaluhan ito ng mga kaanak at pamilya ng mga opisyal, mga empleyado at opisyal ng pamahalaang lungsod, at ilang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang barangay ng Mandaluyong. Ang programa ay nagsimula dakong alas-8 ng umaga, na sinundan ng isang maikling programa ng pagkilala sa mga nagwaging kandidato sa nakaraang halalan.
Isa sa mga tampok ng seremonya ay ang panunumpa ni dating Vice Mayor Menchie Abalos bilang bagong halal na Mayor ng Mandaluyong. Sa kaniyang talumpati, taos-puso niyang pinasalamatan ang mga Mandaleño sa tiwalang muling ipinagkaloob sa kanya para pamunuan ang lungsod.
“Muli ko pong iaalay ang aking buong kakayahan, oras, at serbisyo sa ating mga mamamayan. Sama-sama nating isusulong ang mas progresibong Mandaluyong,” ani Mayor Abalos, na naglingkod na rin bilang mayor ng lungsod mula 2016 hanggang 2022.
Samantala, nanumpa rin si dating Konsehal Anthony Suva bilang bagong Vice Mayor ng lungsod. Sa kanyang mensahe, inihayag niya ang kahandaan niyang makipagtulungan sa Sangguniang Panlungsod upang mas mapagtibay ang pagpapatupad ng mga ordinansa at proyektong kapaki-pakinabang sa lahat ng sektor sa lungsod.
Nanumpa rin sa parehong araw si Congresswoman Queenie Gonzales bilang kinatawan ng Lone District ng Mandaluyong sa House of Representatives, sa harap ni Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda. Sa kanyang panunumpa, tiniyak ni Gonzales ang kanyang patuloy na pagsuporta sa mga programang makatutulong sa Mandaluyong, kabilang na ang edukasyon, kalusugan, at kabuhayan.
Kasabay nito, pormal na ring nanumpa ang mga nahalal na konsehal ng lungsod para sa dalawang distrito:
-
District 1: Charisse Abalos-Vargas, Elton Yap, Danny De Guzman, Mariz Manalo, Grace Antonio, at Junis Alim.
-
District 2: Benjie Abalos, Alex Sta. Maria, Botong Cuejilo, Dong Ocampo, Regie Antiojo, at Leslie Cruz.
Ang mga opisyal ay nagpahayag ng kanilang pagkakaisa sa layunin ni Mayor Menchie Abalos na mas paigtingin ang good governance, palakasin ang lokal na ekonomiya, at tiyakin ang maayos at mabilis na serbisyo publiko para sa lahat ng residente ng Mandaluyong.
Sa pagtatapos ng seremonya, muling binigyang-diin ng bagong liderato ang kanilang panata sa publiko: ang magsilbi nang tapat, epektibo, at may malasakit sa kapakanan ng bawat Mandaleño.