imageimage

Ilan sa 381 pares ng sapatos ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos na donasyon mula sa Malacañang at naka-display ngayon sa Shoe Museum ng Marikina.

MARIKINA CITY — Iginiit ni Marikina First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang kahalagahan ng industriya ng sapatos sa lokal na ekonomiya, kung saan tinatayang 6,000 hanggang 7,000 residente ang umaasa rito bilang pangunahing kabuhayan.

Ito ay kanyang sinabi sa kanyang pagbisita, kasama ang ilang mamamahayag, sa Marikina Shoe Museum noong Hulyo 9, kung saan tampok ang koleksyon ng 381 pares ng sapatos ni dating Unang Ginang Imelda Marcos na donasyon mula sa Malacañang. Ayon kay Teodoro, si Marcos ay naging epektibong tagapagtaguyod ng mga sapatos mula Marikina sa loob at labas ng bansa.

Ipinakita rin sa museo ang sapatos ng mga dating Pangulong Manuel L. Quezon at Ferdinand Marcos, Sr., na nagpapakita ng matagal nang ugnayan ng lungsod sa kasaysayan ng bansa.

“Kapag bumibili ng sapatos mula Marikina, tumutulong ka sa tatlo hanggang apat na manggagawa,” ani Teodoro, sabay giit na buhay pa rin ang tradisyunal na kaalaman sa paggawa ng sapatos sa lungsod, karamihan sa mga gumagawa ay mula sa mga pamilyang may dugong Filipino-Chinese.

Mula sa leather shoes, lumawak na ang industriya ng Marikina sa paggawa ng rubber shoes, katuwang ang ibang lalawigan sa suplay ng materyales. Marami rin umanong politiko, artista, at personalidad ang patuloy na tumatangkilik sa gawang Marikina.

Dagdag pa ni Teodoro, lumalago rin ang industriya ng pagkain sa lungsod bilang karagdagang kabuhayan para sa mga Marikeño.

Binuksan ang Marikina Shoe Museum noong Pebrero 16, 2001. Bukod sa koleksyon nito, may makasaysayang halaga rin ang gusali dahil dito umano pansamantalang ikinulong si Heneral Macario Sakay. Dating bahagi ito ng Hacienda Tuazon at ginamit bilang kampo ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

image

image

image

image