Naglabas ng bagong mga patnubay ang Department of Science and Technology (DOST) para sa pagpapalaganap ng inobasyon at teknolohiya sa iba’t ibang sektor gaya ng pagkain, agrikultura, kalusugan, at kalikasan.
Ayon kay DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr., isinasagawa ang National Research Development Conference (NRDC) upang ipakita sa publiko ang mga pananaliksik at teknolohiyang maaaring magamit sa totoong buhay, alinsunod sa Technology Transfer Law.
“Layunin ng NRDC na pagtagpuin ang mga imbentor at posibleng mamumuhunan,” aniya. “Suportado ng DOST ang mga proyekto mula pananaliksik hanggang sa pag-apruba at paggamit nito sa komunidad o negosyo.”
Binanggit din niya ang planong Central Data Hub na magiging sentrong imbakan ng impormasyon at teknolohiya ng DOST para sa mas mabilis na access at paggamit.
Kabilang sa mga itinampok na proyekto ay ang paggamit ng AI-based technologies, food security programs, at ang “Food Trip” program na tumutulong sa mga kumpanya ng pagkain at inumin. Binanggit din ang ambag ng Philippine Genome Center sa pananaliksik sa halaman, hayop, at mga sakit gaya ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Reynaldo Ebora ng PCAARRD, may proyekto sila laban sa cocolisap at sa pagpapalaki ng native chickens gaya ng SAMPEN at “Itik Pinas”, na ipinatutupad sa mga bilangguan gaya ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa at San Ramon Prison and Penal Farm na nasa Zambuanga. Plano rin itong palawakin sa iba pang lugar.
Para kay DOST Usec. Dr. Lea Buendia, panahon na para anihin ang mga teknolohiyang pinondohan ng gobyerno. Ayon sa kanya, 10–20% ng mga R&D project ay naikomersyalisa na.
Ibinahagi naman ni Dr. Enrico Paringit ng PCIEERD na may mga pananaliksik para sa smart cities, armor technology, at coastal resiliency upang gawing mas matatag ang mga pamayanan.
Panghuli, sinabi ni Dr. Jaime Montoya ng PCHRD na aktibo ang kanilang ahensya sa mga programang pangkalusugan, lalo noong pandemya. Nakipagtulungan rin ang DOST sa PhilHealth upang mapalawak ang benepisyo ng mga pasyente sa iba’t ibang sakit.