Binigyan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Pamahalaang Bayan ng Cainta, sa pangunguna ni Mayor Kit Nieto, ng tulong na relief goods ang 1,000 pamilya na may kamag-anak na OFW.
Ginanap ang pamamahagi sa Karangalan Auditorium. Bago mag-umpisa, binigyan muna ng mainit na lugaw ang mga nakapila para sa registration. Kasunod nito, nagkaroon din ng libreng medical check-up.
Upang makakuha ng tulong, kailangan magdala ng patunay na nakatira sa iisang bahay sa Cainta kasama ang OFW, kopya ng passport ng OFW, at ID ng kumukuha ng ayuda na may tamang address. Isang miyembro lamang ng pamilya kada OFW ang maaaring tumanggap.
Matapos ang dalawang linggong paghahanda, naipamahagi na ang assistance packages sa mga pamilyang naapektuhan ng nakaraang bagyo at habagat na nagdulot ng pagbaha.
Nagpasalamat si Mayor Kit Nieto kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at DMW Secretary Hans Cacdac sa tulong na naibigay para sa mga Caintenio.