Malacañang Complex – Pormal nang umupo si Atty. Marites A. Barrios-Taran bilang bagong Chairperson ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Agosto 11 at agad naglatag ng plano para sa bagong direksyon ng ahensya. Unang tututukan niya ang utos ng Pangulo na “linisin ang sariling bakuran” at palakasin ang mga pangunahing programa: Salin Wika (pagsasalin), Saliksik Wika (pananaliksik sa wika), at Sagip Wika (pagtatayo ng Bahay Wika sa malalayong lugar).
Ayon kay Taran, kasama ang mga Komisyoner at empleyado, haharapin nila nang matatag ang mga hamon sa KWF at magsusulong ng pagkakaisa upang magampanan ang kanilang tungkulin. Nanawagan din siya sa media na tumulong sa pagpapalaganap ng balita at impormasyon, at sa pagsusulong ng wikang Filipino hindi lamang tuwing buwan ng Agosto. Nangako siya ng tapat at malinis na serbisyo, iginiit na wala siyang kinasasangkutang katiwalian, at nanindigang patuloy siyang lalaban dito.
Idinagdag ni Taran na walang ibang magmamahal at magtataguyod sa wikang Filipino kundi ang mga Pilipino mismo. Hindi niya ipinagbabawal ang paggamit ng Ingles, na isa ring opisyal na wika ayon sa Konstitusyon, ngunit naniniwala siyang walang masama sa pagsasalita ng Filipino.
Pinayuhan naman ni Komisyoner Carmelita C. Abdurahman ang mga empleyado na unahin ang paglilingkod sa Diyos bago sa kapwa. Samantala, nagpahayag ng suporta si Komisyoner Benjamin M. Mendillo Jr. kay Taran at binigyang-diin ang pagbabalik ng tamang proseso at pagsunod sa batas sa KWF, kabilang ang pagbibigay kaalaman sa mga Komisyoner tungkol sa badyet, proyekto, at programa ng ahensya.
Kabilang sa mga plano ni Taran ang ganap na pagpapatupad ng RA 11106 o Filipino Sign Language Act, na umano’y napabayaan ng nakaraang pamunuan. Bago italaga bilang Chairperson, nagsilbi siya bilang Director General ng KWF, City Legal Officer ng Maynila, Pangulo ng JICA Philippines, at Co-Convenor ng Buhay Party-list.