image

Baguio City – Matagumpay na idinaos ng Department of Science and Technology – Cordillera Administrative Region (DOST-CAR) ang dalawang malaking science events: ang HANDA Pilipinas Luzon Leg 2025 at ang 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) noong Agosto 7 hanggang 9 sa Newtown Plaza Hotel, Baguio City.

Dumalo sa tatlong araw na selebrasyon ang mga opisyal mula sa national at local government, mga siyentipiko, innovator, guro, at disaster risk reduction experts. Layunin ng mga aktibidad na ipakita kung paano makatutulong ang agham, teknolohiya, at inobasyon (STI) sa pagpapalakas at pagbabago ng mga komunidad.

May temang “Bida ang HANDA: STI for a Smart and Resilient Luzon,” binigyang-diin ng HANDA Pilipinas ang kahalagahan ng maagap at siyentipikong paghahanda laban sa sakuna at epekto ng climate change.

Ayon kay DOST-CAR Regional Director Dr. Nancy A. Bantog, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang mapalakas ang kakayahan ng mga komunidad sa pagharap sa hamon. Ibinahagi naman ni DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr. ang mga programa tulad ng GeoRiskPH, Project SARAi, DANAS Project, MOCCOV, GRIND, at Innovation Hubs na tumutulong sa disaster preparedness at local development.

Dumalo rin si Assistant Secretary Ana Carmela V. Remigio mula sa Office of the Presidential Assistant for Northern Luzon at kinilala ang suporta ng DOST sa mga layunin ng administrasyong Marcos at Philippine Development Plan.

Sa hapon, inilunsad din ang 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week na may temang “Building Smart and Sustainable Communities.” Tampok dito ang pagpapakita kung paano magagamit ang STI sa pagpapabuti ng kabuhayan, edukasyon, serbisyong panlipunan, at pangangalaga sa kalikasan.

Isa sa mga highlight ay ang pagpapakilala ng opisyal na mascot ng DOST-CAR na “CURIOSTI,” na sumisimbolo ng pagkamausisa at hilig sa agham. Nagkaroon din ng ceremonial turnover ng mountain engineering technologies tulad ng slope stability analysis para sa rice terraces at kalsada, at artificial groundwater recharge facility para makatulong sa pag-iwas sa tagtuyot at pagbaha.

Sa loob ng tatlong araw, isinagawa ang mga forum, technical sessions, at exhibits ng mga handa nang gamitin na teknolohiya mula sa DOST, state universities and colleges (SUCs), LGUs, at pribadong sektor. Kabilang dito ang mga solusyon para sa disaster risk reduction, agrikultura, kalusugan, at imprastruktura — lahat ay layong dalhin ang agham sa mga komunidad na higit na nangangailangan nito.

image

image

image