MANILA HOTEL – Idinaos ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes, Setyembre 5, ang Charity Summit 2025 na may temang “Serving More Through Greater Collaboration” upang ipakita ang mga nagawa ng ahensya at palakasin ang ugnayan ng iba’t ibang sektor.
Ipinagmalaki ni PCSO Chairperson Judge Felix P. Reyes (Ret.) at General Manager Melquiades “Mel” Robles ang mga accomplishment ng ahensya: ₱7.97B ayuda sa higit 1M Pilipino, ₱68.28B tulong sa 122 partner agencies, at pamamahagi ng 1,297 ambulansya—pinakamalaki sa kasaysayan ng PCSO. Target din ngayong taon ang dagdag na 375 PTVs para sa 1,400 LGUs at mas malawak na pakikipagtulungan sa NGO at CSO.
Nagpahayag ng suporta ang Malacañang sa pamamagitan ni Ryan Joseph Sarte ng Presidential Action Center para sa programang “No Filipino is Left Behind” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, inanunsyo ni PhilHealth Acting VP Rey Valena ang mas mataas na coverage at libreng serbisyo gaya ng 194 dialysis sessions kada taon, dagdag benepisyo para sa sakit sa puso at stroke, at target na 75 libreng gamot pagsapit ng 2026.
Kasabay nito, namahagi ng tseke mula ₱246,310 hanggang ₱1M sa mga benepisyaryo gaya ng Philippine Sports Commission at Philippine Red Cross.
Pinuri ni San Juan City Mayor at League of Cities of the Philippines President Francis Zamora ang PCSO sa tulong nito sa LGUs at mamamayan. Dumalo rin sa pagtitipon ang PCSO Board members kabilang si Imelda Papin at kinatawan ng Tzu Chi Foundation Philippines.
PHOTO BY: Jimmy Camba