image

QUEZON CITY — Nagsama-sama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Forest Foundation Philippines, at Global Affairs Canada sa PUNLA: Multistakeholder Forum on Nature-Based Solutions (NbS) noong Setyembre 9–10 sa Hive Hotel & Convention Center.

Layunin ng forum na palakasin ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang isulong ang NbS—isang abot-kayang paraan para tugunan ang epekto ng pagbabago ng klima, pagbaha, at iba pang panganib sa kapaligiran.

Ayon sa DENR, bagama’t hindi bago ang NbS sa Pilipinas, kinakailangan ng malinaw na pambansang depinisyon at mas matibay na ugnayan ng mga sektor para maging epektibo ito. Ipinakita rin sa forum ang iba’t ibang matagumpay na proyekto ng NbS sa bansa.

Sinabi ni Atty. Ray Thomas Kabigting, Assistant Director ng Forest Management Bureau, na maraming suliranin sa pagbaha ang maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng mga likas na pamamaraan.

Nagpahayag ng suporta si Simon Snoxell, Head of Cooperation ng Embahada ng Canada, at pinuri ang pagtutulungan ng DENR, Forest Foundation, UP Los Baños, Philippine Red Cross, at iba pang katuwang. Aniya, mahalaga para sa mga Pilipino ang pangangalaga ng kalikasan at kailangan ng bansa ang mga solusyong tulad ng NbS.

Ayon kay Dr. Dixon Gevana ng UP Los Baños Forestry Development Center, mahalagang matukoy muna ang mga pangunahing suliranin na dapat tugunan.

Nagbahagi naman si Jake Browner ng IUCN ng mga halimbawa ng matagumpay na proyekto sa Mekong Delta, Vietnam, kung saan nakatipid ng malaking halaga ang pamahalaan sa pamamahala ng baha at patubig.

Ibinahagi ni DENR Assistant Secretary Dr. Noralene Uy na gumagawa na ang ahensya ng pambansang polisiya para sa NbS, kabilang ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga lungsod laban sa pagbaha at epekto ng pagbabago ng klima.

Sinabi ni Edwina Garchitorena, Chairperson ng Forest Foundation Philippines, na mahalaga ang NbS para maprotektahan ang kalikasan at ang mahigit 110 milyong Pilipino laban sa banta ng sakuna at pagbabago ng klima. Pinuri rin niya ang suporta ng Canada at iba pang sektor.

Dagdag pa ni Atty. Jose Andres Canivel, Executive Director ng Forest Foundation, na bagama’t may higit 120 batas pangkalikasan sa bansa, wala pang malinaw na depinisyon ng NbS. Gayunpaman, mas marami nang kabataan at kababaihan ang interesado sa mga proyektong may kinalaman dito.

Lumagda sa pledge of support ang DENR, CCI Philippines, Embahada ng Netherlands, UPLB Development Center, Forest Foundation, Philippine Red Cross, Wetlands International Philippines, WWF, at UNDP.

Inilunsad din ang IUCN Philippines National Committee upang bumuo ng mga rekomendasyong polisiya na nakaayon sa pandaigdigang pamantayan ngunit akma sa lokal na kalagayan.

image

image

imageimage

PHOTO BY: JIMMY CAMBA