Cainta, Rizal — Pinangunahan ni Mayor John Keith “Kit” Nieto ang pamamahagi ng tig-P10,000 cash gift sa 223 senior citizens mula sa Cainta bilang bahagi ng Nationwide Cash Gift Distribution at Caravan of Services ng National Commission on Senior Citizens (NCSC).
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda ang mga senior na nagdiriwang ng kanilang ika-80, ika-85, ika-90, ika-95, at ika-100 kaarawan ngayong taon. Ayon sa datos ng lokal na pamahalaan, Cainta ang may pinakamataas na bilang ng senior citizens na kabilang sa mga benepisyaryong ito kumpara sa iba pang lugar.
Layunin ng aktibidad na kilalanin at pasalamatan ang ating mga nakatatanda sa kanilang ambag sa lipunan. Kasabay ng pamimigay ng cash gift, nag-alok din ang lokal na pamahalaan ng iba pang serbisyo tulad ng libreng gupitan na inorganisa ni Konsehal Sharon at ang “Yakap Program” ng PhilHealth na nagbibigay ng dagdag na suporta sa kalusugan ng mga senior.
Ang naturang programa ay alinsunod sa Republic Act 11982 o Expanded Centenarians Act, na nagbibigay ng insentibong P10,000 sa mga senior citizens na umaabot sa edad na 80, 85, 90, 95, at 100 taong gulang pataas.
Isinabay ang aktibidad sa pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang simbolo ng pagpapahalaga ng pamahalaan sa kapakanan ng mga nakatatanda.
“Malaking bagay na maipadama natin sa ating mga lolo at lola na sila ay mahalaga at pinahahalagahan ng pamahalaan,” ayon kay Mayor Nieto.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng NCSC at ng lokal na pamahalaan ng Cainta na mapalapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan, lalo na sa sektor ng mga senior citizens na matagal nang nagsilbing haligi ng kanilang mga pamilya at komunidad.