QUEZON CITY — Pinarangalan ng Philippine Commission on Women (PCW) nitong Huwebes, Setyembre 25, ang mga ahensya ng pamahalaan, government-owned and controlled corporations (GOCCs), state universities and colleges (SUCs), at mga local government units (LGUs) na nanguna sa pagpapatupad ng kanilang Gender and Development (GAD) Budget para sa Fiscal Year 2024. Ginanap ang seremonya sa Crowne Plaza Manila Galleria.
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si PCW Chairperson Ermelita V. Valdeavilla sa mga stakeholders at dating pinuno na nagtaguyod ng pagsusulong ng gender equality. Ipinaalala niya na unang inilaan noong 1995 ang 5% ng pambansang badyet para sa kababaihan sa ilalim ng General Appropriations Act. Kabilang sa mga kinilala niya sina dating PCW Chairperson Imelda Nicolas at yumaong Budget Secretary Emilia Boncodin sa pagtataguyod ng gender-responsive planning at budgeting.
Ayon kay Valdeavilla, umabot na sa ₱2.1 trilyon ang kabuuang GAD Budget kasama ang BARMM at mga LGU. Gayunpaman, binalaan niya na nananatili ang ilang hamon gaya ng pagtaas ng kaso ng HIV sa kababaihan, kakulangan ng datos kaugnay ng mga kasong Violence Against Women and Children (VAWC), at ang pangangailangan ng mas mahigpit na transparency sa paggamit ng pondo.
Pinaka-nanguna sa pagkilala ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Health (DOH), at Department of Science and Technology (DOST) dahil sa kanilang paulit-ulit na mataas na performance.
Dumalo rin sa seremonya sina Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Richard Palpal-latoc at Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Goddes Hope Libiran na kapwa nagpahayag ng suporta sa GAD programs.
Binigyang-diin naman ng ibang opisyal na ang gender mainstreaming ay isang tuloy-tuloy na proseso. Ayon kay DFA Undersecretary Maria Theresa Dizon-De Vega, kinakailangan ang patuloy na retooling upang mas mapagsilbihan ang overseas Filipino workers (OFWs). Ibinahagi naman ni ang mga programang nagbubukas ng mas maraming pagkakataon para sa kababaihang magsasaka.
Tinapos ni Valdeavilla ang programa sa panawagang paigtingin pa ang pagtutulungan upang masiguro na ang GAD Budget ay hindi lamang nakatuon sa pagsunod, kundi isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng kababaihan at pagtataguyod ng gender equality.
Layunin ng pagkilala ng PCW na ipagdiwang ang mahusay na paggamit ng GAD funds, ibahagi ang best practices, at hikayatin ang mas malawak na partisipasyon ng publiko. Alinsunod sa Magna Carta of Women (RA 9710), obligadong maglaan ng hindi bababa sa 5% ng kanilang budget ang lahat ng ahensya ng pamahalaan para sa GAD programs. Dagdag pa rito, binibigyang-diin ng PCW ang kahalagahan ng transparency, pananagutan, at pagtutulungan upang palakasin ang gender-responsive budgeting at gender mainstreaming.