MANDALUYONG CITY — Inilunsad sa Lungsod ng Mandaluyong ang Project E-CODE (Empowering COmmunities for DEngue-Ready Philippines) ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) sa pamamagitan ng isang Dengue Lay Forum. Layunin ng proyekto na paigtingin ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa pag-iwas at tamang pagtugon sa banta ng dengue.
Napili ang Mandaluyong bilang katuwang sa proyektong ito dahil sa masigasig nitong mga kampanya at programa laban sa dengue. Ayon sa ULAP, layon ng Project E-CODE na gawing mas handa ang mga komunidad sa paglaban sa dengue sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at pagbabahagi ng best practices ng mga LGU.
Nagbigay ng suporta sa naturang programa sina Dr. Lester Tan, Regional Director ng Department of Health – National Capital Region (DOH-NCR), at Dr. Fumiko Aoki, First Secretary at Health Attaché ng Embahada ng Japan. Ayon sa kanila, mahalagang palakasin ang partisipasyon ng lokal na pamahalaan at ng bawat mamamayan upang masugpo ang pagdami ng kaso ng dengue.
Nakiisa rin si Dr. Alexis Milan ng Philippine Pediatric Society (PPS) na nagbigay ng mahahalagang kaalaman hinggil sa sintomas ng dengue, wastong pangangalaga sa mga pasyente, at mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng lamok na nagdadala ng sakit.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Menchie Abalos na nananatiling seryosong banta ang dengue hindi lamang sa Mandaluyong kundi sa maraming bahagi ng bansa. Aniya, handang makipagtulungan ang lungsod at ibahagi ang kanilang mga matagumpay na programa at karanasan sa iba pang LGUs upang sama-samang malabanan ang naturang sakit.
Batay sa datos ng DOH-NCR, umabot na sa 30,940 kaso ng dengue mula Enero hanggang Setyembre 13 ngayong taon. Mas mataas ito ng 96% kumpara sa halos 15,780 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Dahil dito, higit na kinakailangang paigtingin ang kampanya laban sa dengue at ang pakikipagtulungan ng lahat ng sektor — mula sa pamahalaan, pribadong sektor, hanggang sa bawat pamilya sa komunidad.