image

QUEZON CITY — Sinibak ng Land Transportation Office (LTO) ang 68 enforcer na nakatalaga sa kanilang Central Office matapos lumabas sa performance evaluation na sila ay may mga reklamo at ulat ng maling gawain.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang integridad at pananagutan sa serbisyo ng gobyerno.

“Bahagi ito ng aming pagsisikap na tanggalin ang korapsyon at gawing mas propesyonal ang enforcement team ng LTO,” ani Mendoza.

Ipinag-utos din ni Mendoza ang pagsasama-sama ng lahat ng reklamo at impormasyon mula sa social media, motorista, at mga tinaguriang mystery agents na lihim na nagmasid sa mga enforcer upang subukin ang kanilang katapatan. Kabilang sa mga natukoy na maling gawain ay panunuhol at pangingikil.

“Enough is enough. Hindi ko papayagan na masira ng ilang tiwaling enforcer ang mga positibong pagbabago na ating natamo sa LTO,” dagdag pa ni Mendoza.

Kabilang sa mga nagawa ng LTO sa pamumuno ni Mendoza ay ang pagresolba sa 11 taong backlog ng milyun-milyong plaka, at ang paglulunsad ng online platforms para sa renewal ng driver’s license dito at sa abroad, pati na rin ang online delivery ng plaka at lisensya.

Sinabi pa ni Mendoza na siya mismo ang tututok sa proseso ng pagkuha ng bagong enforcer upang matiyak na ang matatanggap ay may sapat na kakayahan, disiplina, at integridad.

“Ang mga makakapasa lamang sa masusing pagsusuri at interview ang bibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa LTO,” aniya.

Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang hakbang para makuha ang tiwala ng publiko at mas mapabuti ang serbisyo ng ahensya.

Bukod dito, tinutukan din ni Mendoza ang pagbibigay ng job security sa mga job order employees ng LTO sa nakalipas na dalawang taon, na nakinabang na ang ilang kawani.