image

PASIG CITY — Nagbabala si Pasig City Vice Mayor Robert “Dodot” Jaworski Jr. sa mga opisyal ng barangay na hindi inilalantad ang kanilang mga dokumento sa pananalapi, iginiit na dapat umabot hanggang barangay ang pamahalaang tapat at bukas sa publiko.

“Sa Pasig, sinimulan na natin ang reporma sa pamahalaang lokal. Hindi lang ito dapat sa loob ng city hall. Kailangang maramdaman ito hanggang barangay,” sinabi ni Jaworski sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod nitong Martes.

Binigyang-diin niya na ang mabuting pamamahala ay nagsisimula sa barangay dahil sila ang direktang nakikipag-ugnayan sa taumbayan.

“Pero kung ang mga barangay official ay hindi makikiisa at iisipin na exempted sila sa pagbabago, wala silang lugar bilang lider sa lungsod na ito,” babala ng bise alkalde.

Hinimok din niya ang mga Pasigueño na huwag iboto ang mga opisyal na inaari ang pondo ng bayan.
“Pera ng taumbayan ito, hindi pera ng barangay officials,” dagdag niya.

Mariin ding binalaan ni Jaworski ang mga nagwawaldas o nagnanakaw ng pondo na maaari silang makulong.
“Subukan ninyo kami ngayon. Kapag may nagreklamo sa inyong pagnanakaw, ipakukulong namin kayo!” aniya.

Samantala, pinuna rin ni Konsehal Volta Delos Santos ang ilang opisyal na tumatangging i-livestream ang kanilang pagdinig sa badget . Giit niya, hindi sakop ng data privacy ang pagbubukas ng mga budget hearing sa publiko.
“Dapat transparent tayo, hindi lang sa Pasig kundi sa buong bansa. Tigilan na natin ang pagboto sa mga walang alam sa pamahalaan,” pahayag ni Delos Santos.

Tiniyak ni Jaworski na mananatiling tapat at malinis ang pamahalaang lungsod.
“Habang nandito kami sa city hall, ipapakita namin na posible ang malinis na pamahalaan. Panahon na para magbago at seryoso kami sa laban na ito,” pagtatapos niya.