image

QUEZON CITY — Sama-samang nagprotesta ang mga health workers, pasyente, labor groups, at iba’t ibang sektor ng lipunan noong Oktubre 3 sa Commission on Human Rights (CHR) upang kondenahin ang umano’y korapsyon sa mga patronage-driven medical assistance programs ng gobyerno.

Bitbit ang temang “Nililimos na Karapatan: Ang Bagong Mukha ng Pork Barrel Funds”, iginiit ng mga grupo na imbes pondohan nang sapat ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), inuuna pa ng pamahalaan ang Medical Assistance for Indigents and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) na may halagang P51 bilyon sa 2026 national budget. Samantala, halos kapantay lamang nito ang inilaang P53 bilyon para sa PhilHealth, na ayon sa kanila ay mas dapat palakasin bilang pangunahing tagapagbigay ng serbisyong medikal sa ilalim ng Universal Health Care Act.

Ayon kay Dr. Antonio Dans, Professor Emeritus ng UP College of Medicine, sinisira ng MAIFIP ang mandato ng PhilHealth bilang “single purchaser of healthcare services” at nagiging hindi pantay ang distribusyon ng ayuda. Dagdag niya, batay sa datos, 43% ng pondong ito ay napupunta sa mas may kaya habang 12% lang ang nakararating sa pinakamahihirap.

Ipinunto naman ni Prof. Cielo Magno ng UP School of Economics na ang MAIFIP ay nagiging “ayudang trapo” na ginagamit ng mga politiko para magmukhang personal na tulong ang pera ng taumbayan. “Ang dapat na tulong sa oras ng pangangailangan ay nagiging limos na ginagamit ng mga politiko para magpasikat,” aniya.

Samantala, si Dr. Maricar Limpin ay nagpaliwanag na ang pera para sa PhilHealth ay nagmumula sa buwis, partikular sa sin tax, at hindi dapat ipinamumukha na galing sa bulsa ng mga politiko. Nanawagan siya na ibalik ang sapat na pondo sa PhilHealth at tiyakin ang pagpapatupad ng zero balance billing sa mga pampublikong ospital, alinsunod sa batas.

Nagbahagi rin ng karanasan ang ilang pasyente at pamilya na napilitang magmakaawa sa mga politiko para lamang makakuha ng guarantee letter o tulong medikal. “Sana dumating ang panahon na hindi na kailangang magmakaawa para mailigtas ang buhay ng mahal namin,” ayon kay Ozan Ras, na nagkuwento tungkol sa kanyang ama.

Bukod dito, tinuligsa rin ng mga kabataan, senior citizens, at barangay health workers ang pagbawas ng pondo sa PhilHealth habang bilyon-bilyong piso naman ang inilaan para sa mga flood control projects at iba pang programang pinagdududahan. Nanawagan sila ng transparency, accountability, at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal.

Dagdag pa ng CHR, malinaw na magkaugnay ang karapatang pantao at ang usapin ng korapsyon. Ang pagkakait sa sapat na pondo para sa kalusugan ay tuwirang paglabag sa karapatan ng mga mamamayan sa buhay, kalusugan, at dignidad.

Sa huli, iginiit ng mga grupo ang panawagan: “Universal Healthcare, huwag wasakin. Karapatan sa kalusugan, hindi limos!”

image

image