image

MAYNILA — Habang humaharap si DOH Secretary Ted Herbosa sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang pagtatayo ng Concepcion Dos Super Health Center nitong Biyernes, Oktubre 17, 2025, bilang bahagi ng pangako ni Mayor Maan Teodoro na tapusin ang proyekto.

Inatasan ni Mayor Maan si Arch. Raymond Aquino ng City Architectural Office na i-mobilize ang mga tauhan ng City Engineering Department upang simulan ang Phase 2 ng proyekto.

Nagpadala na ang lungsod ng mga heavy equipment tulad ng backhoe at dump truck para sa clearing operations at paghahanda ng lugar. Pagsapit ng Lunes, sisimulan na ang mismong pagtatayo ng gusali.

Ang Super Health Center ay magiging apat na palapag na multi-specialty building na magbibigay ng pangunahing serbisyong medikal at magkakaroon din ng Autism Center para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.

Ayon kay Mayor Maan, ang konstruksyon ay direktang pangangasiwaan ng lokal na pamahalaan at hindi na dadaan sa kontratista.
“By administration na po ang construction — equipment, materials, at workers, lahat provided ng city government,” paliwanag ng alkalde.

Dagdag pa niya, matagal nang humihiling ng pondo ang lungsod mula sa Department of Health (DOH) para sa Phase 2 ngunit wala pa ring tugon.
“Ngayong araw, tuloy-tuloy na ang konstruksyon. May backhoe, dump trucks, at vacuum trucks na sa site. Tapos na ang Phase 1,” ani Mayor Maan. “Tapat kami sa aming pangako. Sa Marikina, kapag sinabi, ginagawa.”

Sa liham ng lungsod kay DOH Secretary Ted Herbosa noong Oktubre 9, ipinahayag nitong ipagpapatuloy nila ang proyekto gamit ang sariling pondo ng LGU.

image

image

image