CHR inilunsad ang 2025 Compendium at pinalakas ang mga programa sa karapatang pantao

QUEZON CITY — Kasabay ng ginanap na media session thanksgiving noong Biyernes, Disyembre 12, sa SotoGrande Hotel, inilunsad ng Commission on Human Rights (CHR) ang 2025 Compendium, kabilang ang iba pang pangunahing publikasyon at programa ng Komisyon.

Pinangunahan nina CHR Chairperson Atty. Richard P. Palpal-Latoc at Commissioner Monina A. Zenarosa ang seremonya. Ipinakilala rin ng CHR en Banc — na binubuo nina Commissioners Beda A. Epres, Faydah M. Dumarpa, at Maria Amifaith S. Fider-Reyes — ang Layag 2025 Social Media Compendium at Press Statement Compendium.

Binigyang-diin ni Commissioner Epres ang mahalagang papel ng media sa paghahatid ng tama at tapat na impormasyon. Itinampok naman ni Commissioner Zenarosa ang pagtataguyod sa karapatan ng mga migranteng manggagawa, kabilang ang kanilang karapatang bumoto. Sa kanilang video messages, tinalakay nina Commissioners Dumarpa at Fider-Reyes ang pangangalaga sa karapatan ng kababaihan, katutubo, at ang kahalagahan ng mapagkakatiwalaang impormasyon.

 

Inihayag din ni Epres na “ang korapsyon ay paglabag sa karapatang pantao” dahil nakaaapekto ito sa kalidad ng serbisyong dapat matanggap ng mamamayan. Dagdag niya, mas paiigtingin pa ng CHR ang kampanya laban sa korapsyon.

Samantala, ibinahagi ni Chairperson Palpal-Latoc na palalawakin ng CHR ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang pagtatatag ng National Human Rights Protection System. Kabilang din sa mga inisyatiba ng Komisyon ang public inquiry sa freedom of the press, ang programang Layag para sa patuloy na kaalaman, at ang pagpapatupad ng Philippine Plan of Action for the Safety of Journalists.

 

Ipinresenta rin ang Puting Papel na naglalayong mapabilis ang proseso ng pagpapalaya ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) at ang Laya Calculator para sa tamang pagkukuwenta ng sentensiya at Good Conduct Time Allowance (GCTA), katuwang ang BJMP at BuCor. Prayoridad dito ang matatanda at may karamdaman na PDLs.

Muling iginiit ni Palpal-Latoc ang pangangailangan para sa CHR Charter upang higit na mapalawak ang mandato ng Komisyon, kabilang ang pagtutok sa socio-economic rights. Pinabulaanan din niya ang haka-hakang “kontra-gobyerno” ang CHR at iginiit na ang pamahalaan ang pangunahing tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Bilang bahagi ng paglulunsad, pinalawak din ang programang Tanggol Mamamahayag bilang National Media Forum upang magbigay ng mas matatag na proteksyon at suporta sa mga mamamahayag sa buong bansa. (𝙠𝙪𝙝𝙖𝙣𝙜 𝙡𝙖𝙧𝙖𝙬𝙖𝙣 𝙣𝙞: 𝘽𝙚𝙣 𝘽𝙧𝙞𝙤𝙣𝙚𝙨)

Facebook Comments