Naglaan si Marikina Mayor Maan Teodoro ng ₱15 milyon upang agad na maibalik ang suplay ng tubig sa Barangay Tumana bago sumapit ang Pasko.
Hiniling ng alkalde sa Sangguniang Panlungsod ang agarang pagpasa ng isang ordinansa para pondohan ang hakbang, matapos putulin ng Manila Water ang suplay ng tubig sa barangay.
“Hindi ko hahayaan na mag-Pasko ang mahigit 3,000 residente ng Barangay Tumana na walang tubig,” pahayag ni Mayor Maan.
Sa liham sa mga konsehal, binigyang-diin ng alkalde ang agarang pangangailangan na maglaan ng ₱15 milyon upang bahagyang mabayaran ang utang ng barangay sa Manila Water at maibalik kaagad ang serbisyo ng tubig.
Ayon kay Mayor Maan, ang panukalang ordinansa ay isang agarang solusyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente habang tinitiyak ang maayos at responsable na paggamit ng pondo ng lungsod.
Binigyang-diin din niya na tungkulin ng pamahalaang lungsod—sa ilalim ng Local Government Code—na pangalagaan ang kalusugan, dignidad, at kapakanan ng mamamayan.
“Dahil sa matinding epekto ng kawalan ng tubig, hinihiling ko ang agarang aksyon para sa kapakanan ng mga taga-Tumana,” aniya.
Batay sa mga ulat, umabot sa ₱37,192,199.98 ang hindi umano na-remit na bayad sa tubig ng mga opisyal ng Barangay Tumana, dahilan upang putulin ng Manila Water ang suplay noong Disyembre 18, 2025.
Tiniyak ni Mayor Maan na papanagutin ang mga responsable sa pagkakautang na nagdulot ng pagkawala ng suplay ng tubig.
Iginiit ng alkalde na pananagutin ang mga responsable at tiniyak na hindi na muling mararanasan ng mga taga-Tumana ang pagkawala ng mahalagang serbisyong tubig.
