NGCP inako ang problemadong AKELCO 69kV line sa Aklan

AKLAN — Pormal nang inako ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang operasyon at maintenance ng Caticlan–Unidos 69kV transmission line matapos ang direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC), kasunod ng sunod-sunod na brownout sa lalawigan.

Ayon sa NGCP, agad nitong tinutugunan ang mga problema sa linya na dating pinamamahalaan ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO), kabilang ang madalas na pagkasira ng pansamantalang bypass line malapit sa Caticlan Airport na dulot ng water wave splash at salt spray corrosion. Bilang solusyon, nagtayo ang NGCP ng bagong bypass line na mas malayo sa baybayin at inaasahang mapapailaw ngayong Disyembre.

Isasagawa rin ng NGCP ang kumpletong pagpapalit ng kable ng apektadong 69kV line, na target matapos sa Marso 2026. Ang mga kinakailangang materyales ay binili na ng NGCP matapos aminin ng AKELCO na wala itong sapat na pondo para sa pagkukumpuni.

Ang takeover ay bunsod ng desisyon ng ERC noong Nobyembre 2024 na i-reclassify ang 69kV line bilang transmission facility, lalo na sa inaasahang pagkumpleto ng Nabas–Caticlan–Boracay 138kV Transmission Line.

Noong Setyembre, naging kritikal ang sitwasyon matapos masira ang 69kV cable. Sa pulong ng Department of Energy (DOE), kinilala ng AKELCO ang kakulangan nito sa pondo, dahilan upang iatas ng ERC ang agarang paglipat ng linya sa NGCP.

Matapos ang joint inspection ng TransCo, NGCP, at AKELCO noong Oktubre 2025, nilagdaan ang Certificate of Turnover noong Nobyembre 21, 2025. Gayunman, hindi pa naglalabas ng Certificate of Acceptance ang NGCP dahil sa mga natukoy na kakulangan sa linya at dokumento.

Bukod dito, pinabibilis din ng NGCP ang pagtatayo ng Nabas–Caticlan–Boracay 138kV Transmission Line na target matapos sa Agosto 2026 upang higit pang patatagin ang suplay ng kuryente sa Aklan.

Facebook Comments