Suportado ni Cainta, Rizal Mayor Keith Nieto ang polisiya ng Land Transportation Office (LTO) na nagbabawal sa pagdaan ng mga electric tricycle (e-trike) sa mga pangunahing kalsada, na epektibo noong Biyernes, Enero 2.
Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng disiplina at pagsunod sa tinawag niyang “pambansang direktiba,” at nagbabala na ang pili-piling pagpapatupad ng mga patakaran ay nagdudulot ng kalituhan at pagkakahati-hati.
Ayon kay Nieto, ang hindi pagsunod sa mga polisiya ng pambansang pamahalaan ang isa sa mga dahilan kung bakit bumabagal ang kaunlaran at nananatili ang pagkakahati ng bansa. Aniya, iisa lamang ang direksyong dapat tahakin ng pamahalaan at ng mamamayan.
“We don’t digress when it comes to the policies at the top. That’s one way of uniting our people and going through just one direction,” pahayag ni Nieto sa panayam kasama ang PaMaMariSan-Rizal Press Corps sa isang restaurant sa Cainta.
Iginiit ng alkalde na anuman ang kulay o paniniwala sa pulitika, may pananagutan ang mga lokal na pamahalaan at mamamayan na sundin ang mga itinakdang iskedyul at kautusan ng pambansang pamahalaan.
Habang may ilang lokal na pamahalaan na humihingi ng exemption dahil sa kondisyon ng kanilang mga kalsada, sinabi ni Nieto na walang ganitong isyu sa Cainta na maaaring maging batayan upang hindi ipatupad ang LTO order.
Dagdag pa niya, ang paghingi ng espesyal na konsiderasyon bago pa man masubukan ang polisiya ay lalo lamang nagpapagulo sa implementasyon. Aniya, ang labis na “demokrasya” sa pag-iisip at pagkilos ay minsan nauuwi sa kawalan ng respeto sa awtoridad.
Hinimok ni Nieto ang publiko at kapwa opisyal na bigyan ng isa hanggang dalawang buwang trial period ang polisiya upang masukat ang pagiging epektibo nito.
“If LTO says that is the way to do it, then they are the ones who are mandated. We will all follow. That’s the easiest way to govern,” ani Nieto. Sa huli, iginiit ni Mayor Nieto na ang malinaw na patakaran at iisang direksyon sa pamamahala ang susi sa maayos na pagpapatupad ng LTO e-trike ban sa Cainta.