QUEZON CITY — Binigyang-diin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mahalagang papel ng wikang Filipino sa akademya at pambansang diskurso sa ginanap na KWF Gawad Julian Cruz Balmaseda 2026, kasabay ng paggunita sa ika-131 kaarawan ng manunulat na si Julian Cruz Balmaseda noong Enero 28, 2028.
Ayon kay KWF Chairperson Atty. Maritess Barrios-Taran, kinatawan ng Tagalog Region, ang mga tesis at disertasyon ay hindi lamang simpleng pangangalap ng datos kundi masusing paghahanap ng kaalamang dapat gamitin sa mga larangan ng kapangyarihan at pambansang diskurso.
Binigyang-diin niya na hindi dapat umasa sa wikang banyaga ang opisyal na usapan sa bansa. “Ang inyong mga pag-aaral ay pagpupugay kay Julian Cruz Balmaseda at patunay ng kahalagahan ng wikang Filipino,” ani Barrios-Taran.
Samantala, sinabi ni KWF Full-time Commissioner Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., kinatawan ng Ilocos Region, na mandato ng KWF ang paunlarin ang wikang Filipino upang makatulong sa paglutas ng mga suliraning panlipunan. Aniya, lalong lalakas ang wika kung gagamitin sa pananaliksik, agham, at kritikal na pag-iisip.
Binanggit din ni Mendillo na bagama’t nangingibabaw ang Ingles sa mga internasyonal na journal, mahalaga ang pagkilala at suporta sa mga iskolar na gumagamit ng Filipino sa akademikong pag-aaral.
Nagwagi ng ₱100,000 bilang Best Dissertation si Ferdinand P. Jarin para sa kanyang disertasyon sa De La Salle University–Maynila na “Ang Kalyeng Walang Kamatayan: Ang Paglalandas ni Leoncio P. Deriada sa Panitikan ng Banwa at Bansa,” na tumalakay sa ugnayan ng panitikang rehiyonal at pambansa.
Tumanggap din ng ₱100,000 bilang Best Thesis si Darwin P. Plaza para sa kanyang pag-aaral sa Ateneo de Naga University na “Gakot at Paglaban sa Kalamidad ng mga Taga-Partido Erya sa Bicol, Pilipinas,” na tumampok sa katutubong kaalaman sa paghahanda sa kalamidad ng mga pamayanang baybaying-dagat.
Dumalo bilang lupon ng mga hurado sina Dr. Edwin R. Mabilin, Dr. Jorge P. Cuibillas, at Lakandupil C. Garcia. Nakiisa rin sa okasyon sina Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Full-time Commissioner ng KWF; Atty. Maritess Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF; at Katherine Chloe S. De Castro, Direktor Heneral ng Ahensiyang Pang-impormasyon ng Pilipinas, kasama ang iba pang mga panauhin at tagasuporta ng pagdiriwang.