Pinaka-Modernong CDRRMO Building sa Bansa, Pinasinayaan sa Mandaluyong

MANDALUYONG CITY — Pinangunahan ni Mayor Carmelita “Menchie” Abalos noong Pebrero 5 ang inagurasyon ng pinaka-malaki at pinaka-modernong City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Building sa buong bansa sa Barangay Mauway, bilang bahagi ng 81st Liberation at 32nd Cityhood Anniversary ng lungsod.

Dumalo rin sa okasyon ang dating Mandaluyong Mayor at dating DILG Secretary na si Atty. Benhur Abalos, na siyang nag-konsepto ng proyekto, habang si Mayor Menchie Abalos ang nanguna sa implementasyon.

Kasama sa mga dumalo sina Vice Mayor Anthony Suva, mga Konsehal Elton Yap, Charice Abalos Vargas at Mariz Manalo, CDRRMO Head Roald R. Arcangel, Barangay Captain Ricky Ogbac, Chief of Police Col. Batam, at iba pang opisyal.

Ang apat na palapag na state-of-the-art na gusali, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P200 milyon, ay itinayo sa lupang idonasyon ng National Center for Mental Health (NCMH). Matatagpuan sa ikaapat na palapag ang Command Center ng Mandaluyong Emergency Operations Center, kung saan mino-monitor ang ingress at egress ng lungsod at agad na naipapasa ang datos sa mga decision-makers.

Ayon kay Mayor Menchie, may 300 CCTV cameras na ang lungsod na nagbabantay 24/7, at magdadagdag pa ng karagdagang 300 CCTV cameras upang mas mapalakas ang seguridad. Nilinaw rin niya na ang AI system ay hindi pa muna ipinapatupad dahil sa data privacy concerns, ngunit inaasahang maisasakatuparan sa loob ng linggong pagdiriwang ng lungsod.

Ibinahagi rin na ang Command Center ay shared sa iba pang local government units at malaking tulong sa pagtugon sa sunog, baha, suspensyon ng klase, at iba pang emerhensiya, katuwang ang mga barangay, pulisya, bumbero, social welfare, Coast Guard, at iba pang ahensya.

Ayon kay CDRRMO Head Roald R. Arcangel, may 18 operational clusters ang lungsod at ang Command Center ay nakakonekta sa 17 lungsod at munisipalidad sa Metro Manila, na nagsisilbing sentro ng 24/7 disaster at emergency response ng Mandaluyong.

Facebook Comments