Marikina, muling binuhay ang “Tapat Ko, Linis Ko” para sa disiplina at kaayusan

image-Picsart-AiImageEnhancer (1)

Muling inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang programang “Tapat Ko, Linis Ko” bilang bahagi ng pinaigting na kampanya sa kalinisan at kaayusan, kasabay ng panawagan ni Mayor Maan Teodoro sa mga Marikeño na aktibong makiisa sa pangangalaga ng kanilang kapaligiran nitong Lunes, Pebrero 9.

Sa flag-raising ceremony ng lungsod, iginiit ni Teodoro na seryoso ang pamahalaang lungsod sa pagtugon sa mga suliraning pangkalikasan at kaayusan.

Ayon sa alkalde, ang inter-agency task force ay panimula lamang ng mas malawak na pagkilos at hindi simpleng cleanup drive, kundi masinsinang pagsuyod sa bawat kalsada, eskinita, at barangay upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng komunidad.

Binigyang-diin ni Teodoro na panandalian lamang ang epekto ng clearing operations kung walang tuloy-tuloy na disiplina mula sa mga residente.

“Hindi puwedeng kapag umalis ang task force ay balik sa dati. Kailangang tuluy-tuloy ang disiplina,” ani Teodoro.

Hinimok din ng alkalde ang mga opisyal ng barangay na mahigpit na ipatupad ang mga ordinansa ng lungsod, habang pinaalalahanan ang mga kawani ng city hall na manguna sa kaayusan sa pamamagitan ng regular na pagpapatupad ng 5S—Sort, Set in Order, Shine, Standardize, at Sustain—bilang konkretong halimbawa na ang malinis at maayos na lungsod ay nagsisimula sa bawat tanggapan at bawat Marikeño.

Sa huli, iginiit ng alkalde na hindi mabubuhay ang “Tapat Ko, Linis Ko” sa panawagan lamang—kundi sa araw-araw na pagkilos at pananagutan ng bawat Marikeño.

Facebook Comments