Nakipagpulong ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Eulogio ‘Amang’ Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) noong Pebrero 18, 2026 upang talakayin ang pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa pamantasan.
Pinangunahan ni KWF Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran, kasama si Komisyoner Benjamin M. Mendillo Jr., ang pagbisita at pakikipagpulong kay EARIST Pangulo Rogelio T. Mamaraldo. Layunin ng pulong na palakasin ang ugnayan ng dalawang institusyon sa pagsusulong ng wikang Filipino at kulturang Pilipino.
Iminungkahi ng KWF ang pagbuo ng SWK sa EARIST upang magsilbing sentro ng mga programang pangwika, pananaliksik, at iba pang proyektong magpapayaman sa kultura at pambansang identidad.
Matapos ang pulong, nilibot ng mga opisyal ng KWF ang ilang silid-aralan at nakipag-usap sa mga mag-aaral na kumukuha ng kursong may kaugnayan sa Filipino. Ipinakilala rin nila ang mga programa ng komisyon na naglalayong higit na mapalapit ang wikang pambansa sa kabataan.
Sa pamamagitan ng planong SWK, inaasahang mas paiigtingin ng KWF at EARIST ang kanilang pagtutulungan para sa patuloy na pag-unlad ng wikang Filipino.
Facebook Comments
