Padyak Kontra Mahal na Langis: Marikina, Hinamon ang mga Empleyado sa ‘Bike-to-Work Challenge’

MARIKINA CITY — Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang “Padyak Papasok: Bike to Work Marikina”, isang biking challenge para sa mga empleyado ng City Hall bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at upang isulong ang aktibong mobilidad sa lungsod.

 

Ipinakilala ni Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang programa sa flag-raising ceremony nitong Lunes (Marso 16), na layong hikayatin ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na gumamit ng bisikleta papasok sa trabaho habang itinataguyod ang mas malusog na pamumuhay at sustainable na transportasyon.

 

“Matagal nang bike-friendly city ang Marikina, pero nais pa natin itong palakasin. Higit pa sa challenge, layunin nating magkaroon ng mas malusog na pamahalaan at mas sustainable na lungsod,” ani Teodoro.

 

Tatagal ang kompetisyon hanggang Disyembre 2026, kung saan maglalaban-laban ang mga tanggapan ng City Hall upang makapagtala ng pinakamataas na porsyento ng mga empleyadong nagbibisikleta at pinakamaraming araw ng paglahok. Ang mananalong departamento ay tatanggap ng parangal at mga insentibo sa pagtatapos ng taon.

 

Inatasan din ng alkalde ang Marikina Bikeways Office na tiyaking maayos at ganap na gumagana ang mga end-of-trip facilities, kabilang ang pasilidad sa Engineering Compound sa Barangay Sto. Niño, upang may lugar ang mga empleyadong nagbibisikleta na makapagbihis at makapaghanda bago pumasok sa trabaho.

 

Kasabay nito, nilagdaan din ni Teodoro ang Executive Order No. 05, Series of 2026, na naglalayong magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya at pagbabawas ng konsumo ng kuryente sa Marikina City Hall.

Facebook Comments