Pamahalaan Kumilos sa Presyo ng Bilihin; Marcos Personal na Nag-ikot sa San Juan Market

MANILA — Personal na nag-inspeksyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Agora Market noong Miyerkules kasama ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at ang lokal na pamahalaan ng San Juan, upang bantayan ang presyo at suplay ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.

 

Sa isinagawang pag-iikot, sinuri ng Pangulo at ng mga opisyal ang timbanagan ng bayan o public weighing scale, ang Bantay Presyo bulletin board, at ang mga seksiyon ng isda, karne, prutas, gulay, at manok sa pamilihan upang matiyak na tama ang timbang, makatarungan ang presyo, at sapat ang suplay ng mga produkto.

Ayon sa pamahalaan, layunin ng inspeksyon na mapanatiling kontrolado ang presyo ng mga bilihin at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay, lalo na sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe.

 

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na bagama’t nauunawaan ang posibleng pagtaas ng presyo dahil sa pagmahal ng gastos sa transportasyon at gasolina, hindi papayagan ng pamahalaan ang pananamantala o pag-iimbak ng suplay upang pataasin ang presyo.

 

Dagdag pa ni Laurel, na batay sa monitoring ng ahensiya ay sapat ang suplay ng bigas at iba pang pagkain. Nakapag-secure na rin ang pamahalaan ng mahahalagang farm inputs at nagbibigay ng tulong sa mga magsasaka upang mapababa ang gastos sa produksyon at maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng pagkain.

Binigyang-diin naman ng DA at DTI na patuloy nilang pinagsasama-sama ang datos ng presyo at suplay mula sa mga pamilihan sa buong bansa. Kapag napatunayang may hindi makatarungang pagtaas ng presyo o pang-aabuso sa pagbebenta ng basic necessities and prime commodities (BNPC), handa ang pamahalaan na magpatupad ng kaukulang hakbang tulad ng price cap o price ceiling alinsunod sa umiiral na batas.

 

Samantala, nakipagpulong din si Trade and Industry Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque sa 21 pangunahing manufacturers noong Marso 16 upang hikayatin ang mga ito na huwag muna magtaas ng presyo ng mga BNPC.

Bilang tugon, nangako ang mga manufacturer na pananatilihin muna ang kasalukuyang presyo ng kanilang mga produkto sa loob ng susunod na 30 hanggang 60 araw, bilang pakikiisa sa panawagan ng pamahalaan na pigilan ang agarang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mabigyan ng sapat na panahon ang merkado upang manatiling matatag sa gitna ng umiiral na mga hamon sa ekonomiya.

 

Ayon kay Roque, mahalaga ang kooperasyon ng mga manufacturer upang mapanatili ang matatag at makatarungang presyo ng mga pangunahing bilihin, at upang matiyak na patuloy na magkakaroon ng sapat at abot-kayang suplay ng produkto para sa mga pamilyang Pilipino sa gitna ng nagbabagong sitwasyon sa ekonomiya at pandaigdigang merkado

Facebook Comments