PISAY DREAM, HINDI BIRO! HALOS 8% LANG ANG NAKALUSOT SA NCE 2026

QUEZON CITY — Patunay ng matinding kompetisyon sa Philippine Science High School (Pisay), tanging 1,738 mag-aaral lamang ang pumasa mula sa 20,232 examinees ng National Competitive Examination (NCE) para sa School Year 2026–2027—katumbas ng halos 8% passing rate.

 

Inilabas ng Department of Science and Technology (DOST) at ng PSHS System ang opisyal na resulta kasabay ng panawagan sa susunod na batch ng mga batang Pilipino na subukan ang kanilang kakayahan sa agham at teknolohiya.

Sa press conference sa Philippine Information Agency, sinabi ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na matagumpay na nalampasan ng mga aplikante ang mahigpit na pagsusulit noong Enero 2026—isang screening na kumikilala sa mga pinaka-promising na kabataan sa bansa.

Ayon naman kay Executive Director Dr. Ronnalee N. Orteza, hindi lamang talino ang sinusukat ng NCE kundi ang potensyal ng mga kabataan na maging susunod na siyentista, innovator, at lider ng bansa.

Samantala, inanunsyo rin ang pagbubukas ng aplikasyon para sa NCE para sa School Year 2027–2028 mula Abril 6 hanggang Nobyembre 7, 2026.

Mga kwalipikasyon:

  • Grade 6 student mula sa DepEd-recognized school
  • May 85% pataas sa Science at Math o kabilang sa top 10%
  • Pilipino at walang immigration application
  • Hindi lalampas sa 15 taong gulang bago Hunyo 30
Paraan ng aplikasyon:
  • Online: https://nce.pshs.edu.ph/login
  • PSHS campuses, DOST regional at provincial offices
  • Maaaring online o walk-in

Ang mga mapipiling iskolar ay tatanggap ng libreng matrikula, aklat, buwanang stipend, at iba pang allowances, kasama ang dormitory support kung kinakailangan.

 

May processing fee na ₱300 para sa private school students, habang libre ito para sa public school students at full scholars.

Binibigyang-diin ng PSHS na ang NCE ay hindi lang pagsusulit kundi isang mahalagang hakbang sa paghubog ng kinabukasan ng bansa—kaya hinihikayat ang mga kabataan na mag-apply at subukan ang kanilang husay sa agham.

Facebook Comments