MUNTINLUPA CITY — Nagsama-sama ang mga eksperto sa agham at teknolohiya sa 2026 Luzon Regional Scientific Meeting (LRSM) noong Abril 7–8 sa Acacia Hotel Manila upang pabilisin ang pagtupad ng Pilipinas sa United Nations Sustainable Development Goals (SDGs) bago ang 2030 deadline—kasabay ng pagtugon sa lumalalang krisis sa enerhiya.
Ayon kay National Academy of Science and Technology (NAST) President Jaime C. Montoya, layunin ng pagpupulong na palakasin ang kolaborasyon sa agham, teknolohiya, at inobasyon para sa sustenableng kaunlaran.
Binigyang-diin naman ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum Jr. na dapat mailapat ang pananaliksik sa aktwal na pangangailangan ng mamamayan. “Hindi lang dapat nagre-research—dapat ginagamit ito para mapabuti ang buhay ng tao,” ani Solidum.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, hinimok ng DOST ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng electric-powered tricycles o e-trikes bilang praktikal na alternatibo sa tradisyunal na transportasyon.
Ayon kay Solidum, malaking tulong ito lalo na’t napakaraming tricycle ang bumibiyahe sa buong bansa.
Kasabay nito, binigyang-diin niya ang pangangailangang palawakin ang charging infrastructure, partikular ang solar-powered facilities, upang masuportahan ang paglipat sa electric mobility.
Ibinahagi rin niya na may bagong teknolohiyang kayang mag-charge ng e-tricycle sa loob lamang ng 30 minuto—isang hakbang na makatutulong upang maprotektahan ang mga operator laban sa pabago-bagong presyo ng langis.
Bukod sa e-trikes, pinag-aaralan din ang conversion ng mga lumang bus sa electric units, pati ang patuloy na development ng electric jeepneys at ferries.
Sa larangan ng enerhiya, pinatitindi rin ng pamahalaan ang pagtulak sa renewable energy upang mabawasan ang pagdepende sa imported na langis.
Ayon sa Department of Energy (DOE), target ng bansa na makamit ang 35% renewable energy pagsapit ng 2030, 50% sa 2040, at higit 50% sa 2050. Sinabi ni DOE Energy Policy and Planning Bureau Director Michael Sinocruz na mahalagang mapabilis ang energy transition upang mabawasan ang epekto ng global oil price volatility.
“Kailangan nating pabilisin ang energy transition para mabawasan ang ating dependency sa imported fuels,” ani Sinocruz. Dagdag pa niya, target din ng pamahalaan na umabot sa 50% ng road transport ang electric vehicles pagsapit ng 2040.
Pinag-aaralan din ng DOE ang strategic oil stockpiling at posibleng regional cooperation sa ASEAN upang mapalakas ang energy security laban sa supply disruptions.
Ibinahagi rin sa scientific meeting ang iba’t ibang programang nakaangkla sa SDGs, kabilang ang smart agriculture sa ilalim ng Project SARAI, renewable energy initiatives, water desalination at filtration systems, at e-games development.
Ipinakilala rin ang programang STI4SDGs na layong tulungan ang mga unibersidad na mapabilis ang implementasyon ng SDGs sa pamamagitan ng mas malinaw na targets at monitoring.
Binuksan din sa event ang exhibit ng 24 scientific posters mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Sa kabuuan, iginiit ng mga opisyal na ang tunay na sukatan ng agham ay kung paano ito direktang nakatutulong sa buhay ng bawat Pilipino—mula transportasyon hanggang enerhiya.
Nakatakdang magtapos ang serye ng scientific meetings sa Hulyo, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng NAST na may temang “ALAB: Agham Alay sa Bayan.”