Naibsan ang agam-agam ng mga mahihirap na residente ng Cainta Rizal matapos na mag alok ng libreng cremation ang naka-upong Municipal Mayor na si Johnielle Keith Pasion “Kit” Nieto. Si Mayor Nieto ay nanalo at muling naluklok sa kanyang pangatlo at huling termino nitong nakaraang eleksyon kung kaya sa kanyang huling termino bilang Municipal Mayor ng Cainta, pinagtuonan nito ng pansin ang pagpapagawa ng Crematorium para sa mahihirap na residente ng Cainta. Ang nasabing Crematorium ay matatagpuan sa may gilid at mismong pagpasok ng sementeryo malapit sa kanang bahagi ng chapel kung saan ilalagak ang labi ng mga namatay.
Ayon sa paliwanag ni Nieto, ang bagong gawang Crematorium ay isa sa 13 proyekto ng kanyang administrasyon na kanyang pinasisinayaan taun taon. Sinabi pa nito kung bakit siya ay tumakbo sa pagka alkalde, nagkaroon umano siya ng masamang karanasan na kung saan napunta umano siya sa isang lamay at nakita niya na talagang walang pangpaburol at pangpalibing ang ilang kababayan natin, ang pakiramdam umano nya sa mga oras na yon, mahirap ka na nga sa kahuli-hulihang pagkakataon dini-deprive pa ang karapatan mong magluksa, kasi iisipin mo muna kung saan ka kukuha ng pera para mailibing yung mahal mo sa buhay na namatay. Naipangako umano niya sa kanyang sarili na kapag siya ay palaring makaupo sa pagka mayor, sisiguruhin umano niya na ang namatayan ay iiyak na lamang at wala na ibang gagawin dahil ang gobyerno na umano ang kikilos para sa lahat ng kakailanganin nito, ayon pa sa alkalde.
Hindi lamang umano para sa mahihirap ang pagpapagawa nila ng Crematorium. Dahilan na rin umano na kulang na ang paglilibingan ng patay sa sementeryo, masikip na rin ang espasyo at kakaunti na lang umano ang natitirang nitso, kaya mas mainam umano na magpagawa ng Crematorium dahil maliliit lamang ang lalagyan ng abo ng namatay. Libre rin umano niyang ibibigay ang lapida at marble pot para umano maging desente naman ang paglalagyan ng abo ng namatay.
Ang iba pa umanong libreng serbisyo ng kanyang administrasyon ay ang pagbibigay ng health care, edukasyon, pabahay, libreng transportasyon at ang pagpapakain ng hapunan sa 1,000 mahihirap na residente na kanyang nasasakupan habang siya ay nakaupo pa.