Umabot na sa limampu (50) ang kumpirmadong nagpositibo sa kaso ng corona virus (COVID-19) sa lalawigan ng Taytay Rizal. Ito ay matapos madagdagan pa ng tatlong bagong kaso ang nasabing bayan. Kinumpirma ito ng Taytay Municipal Epidemiology and Surveillance Unit o Taytay-MESU na mayroong tatlong bagong kaso ng covid-19 ang naidagdag sa naturang bilang.
Kabilang dito ang pasyenteng babae na 46 anyos na mula sa Barangay San Isidro na sumailalim sa quarantine ngunit nasa maganda ng kundisyon. Ang pangalawang pasyente ay babae pa rin, nasa 41 anyos mula naman sa Barangay San Juan, na naka admit sa hospital ng Quezon City. Ang pangatlo na siyang pang limampu (50) sa kabuoang bilang ay pasyenteng babae pa rin, na may edad na 32 anyos na taga barangay San Juan din, ay sumailalim na rin sa quarantine at nasa magandang kalagayan na rin sa ngayon.
Sa kabuoang bilang naman ng mga nasawi, ito ay umabot na sa siyam (9) at labing apat (14) naman ang nakarekober sa Taytay, Rizal. Nagsasagawa na ngayon ng contact tracing ang Taytay Rizal sa mga nakahalubilo ng tatlong nagpositibo, habang ang kani-kanilang mga pamilya ay kasalukuyan naka home quarantine na upang hindi na kumalat pa ang nakamamatay na corona virus.
Muli namang pinaalalahanan ng Local na pamahalaan ang mga residente na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at panatilihin ang pagpapatupad ng social distancing laban sa COVID-19 para hindi na madagdagan pa ang mga bilang ng mga nasawi at mahawahan ng covid-19.
Sakali umanong palawigin pa ang Enhanced Community Quarantine na magtatapos sa darating na Mayo 15, mapipilitan magpatupad ang Pamahalaang Taytay Rizal ng hard lockdown sa lahat ng mga Barangay.