image

Cainta Mayor Kit Nieto

 

Kasabay sa pagdedeklara ng IATF on Infectious desease, na naging General Community Quarantine (GCQ) na ang buong lalawigan ng Rizal nitong nakaraang linggo, sinabi ni Cainta Rizal Mayor Kit Nieto, na kahit papaano, natugunan na rin naman nila ang problema ng corona virus (Covid 19) sa bayan ng Cainta, na kung saan sa ngayon ang sitwasyon dito sa bayan ay maayos na rin naman.

Ayon pa kay Mayor Kit Nieto na sa kasalukuyan, ay sinisikap nila na makabalik na sa normal ang munisipalidad, kung kaya hinihikayat na nila na muling makapag operate ang mga business establishment at maging ang mga livelihood sa nasabing bayan. Bagamat mayroon pa umanong mangilan-ngilan na relief operation, dun na lamang umano ito sa mga lugar na medyo hirap pa rin ang kalagayan.

Sa pagbubukas ng mga negosyo sa Cainta, ayon pa sa Alkalde, sa kanyang palagay, ay nabigyan na rin naman umano niya ng time frame, na tulungan ang kanilang mga sarili, lalo na kapag maideklara na ang GCQ sa buong Metro Manila. Kabahagi umano ng normalidad na ipagpatuloy na ang mga gawaing pambayan, kagaya umano ng: painting at roadworks, paglilinis ng mga canal at estero, pagsasaayos ng mga sira-sirang kalsada sa buong bayan ng Cainta, at maraming iba pa.

Samantala, hindi rin naman nagdalawang-isip pa si Mayor Kit Nieto na tanggalin na sa buong bayan ng Cainta ang liquor ban, dahil kahit paano umano, makakaawas naman ito sa bigat na dinadala ng kanyang mga kababayan. Subalit, kailangan pa rin umanong sumunod ng mga tao sa lahat ng tuntunin, na bawal pa rin ang pag-inom sa labas ng bahay, pag–inom sa mga restaurant o bar. Higit sa lahat, ang mahigpit na pagpapatupad at pagtalima sa social distancing para hindi na magkahawa-hawa at tuluyan ng mawala ang corona virus sa bansa.