Para palakasin ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa kabicolan, umabot sa kabuoang 126 kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa rehiyon ang pinanumpa ni Secretary Bernie F. Cruz sa isang seremonya na ginanap noong Miyerkules, Disyembre 1, 2021, sa Marison Hotel Legaspi.
Ayon kay Cruz ang mga kawani ay masusing pinili upang serbisyuhan ang mga magsasaka at tulungan ang DAR na dalhin ang panlipunang hustisya sa mga kanayunan.
“Matatanggap ng mga magsasaka ang hustisyang nararapat, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga magsasaka ng lupang matatamnan, pagbibigay ng support services projects upang mapagyaman ang kanilang lupain at pagresolba ng mga usaping legal sa agraryo. Maging instrumento sana tayo ng kanilang pag-unlad na magbibigay daan sa lalong paglakas ng sektor ng agrikultura sa bansa,” aniya.
Pinaalalahanan ni Cruz ang mga kawani na ang epektibong serbisyo publiko ay hindi lamang nagmumula sa edukasyon, kung hindi sa mula sa puso at dedikasyon.
Sinangayunan naman ni DAR Bicol Regional Director Rodrigo Realubit ang sinabi ng Kalihim at idinagdag na ang kanilang serbisyo nawa ang magsilbing pamana nila sa mga magsasaka.