Para masiguro ang matagumpay na operasyon ng pulisya sa buong National Capital Region (NCR), nagsagawa ng command conference ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pangunguna ni Director PMGen Melencio Nartatez, Jr.. Ang pagpupulong ay ginanap sa Marikina Hotel and Convention Center na dinaluhan ng mga opisyal ng Eastern Police District (EPD).
Sa pagbisita ni NCRPO Director Nartatez, sinalubong siya nina EPD Director BGen. Wilson Asueta at mga Chief of Police ng Marikina, San Juan, Pasig, at Mandaluyong. Pinangunahan ni BGen. Asueta ang presentasyon ng mga nagawa at sitwasyon ng krimen sa bawat lungsod na sakop ng EPD.
Nagbigay ng Direktiba si Gen. Nartates sa nasabing pulong, inatasan nito ang buong puwersa ng EPD na paigtingin ang foot patrol sa mga lugar tulad ng mga bar, sabungan, at iba pang mga establisyemento. Hulihin ang mga pulis na nasa loob ng mga ito at gayundin ang mga indibiduwal na posibleng may dalang armas o ipinagbabawal na droga.
Hinimok din ni Gen. Nartatez ang EPD na humingi ng tulong mula sa komunidad at tiyakin ang mataas na presensya ng mga pulis sa lansangan. Ang police-to-population ratio na 1:500 sa Metro Manila ay isa sa mga dahilan kung bakit kailangan ng mas maraming pulis.
Pinuri ni Gen. Nartatez ang EPD, partikular ang PaMaMariSan (Marikina, San Juan, Pasig, at Mandaluyong), dahil sa kanilang mataas na crime solution efficiency na 99.5%. Ipinahayag niya na ito ay isang distrito kung saan mababa ang bilang ng focus crimes o index crimes at halos lahat ay nasosolusyonan.
Umaasa si Gen. Nartatez na sa pamamagitan ng naganap na pagpupulong, mas mapapabuti ang public safety sa EPD at mas magagampanan ng mga pulis ang kanilang tungkulin sa publiko. Pinapaalalahanan din niya ang mga pulis na dapat may katuturan at saysay ang kanilang mga nahuhuli.
Sa kabuuan, layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga lungsod na sakop ng Eastern Police District.