image

Bagamat masidhi ang pagsisikap ng buong komunidad ng mga binging Pilipino upang maitaguyod ang RA 11106 o Filipino Sign Language Act, tuluyan na itong winakasan ng tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) na si Casanova, kasama ang pito (7) pang komisyoner. Ito’y matapos na sibakin sa trabaho ang pitong job order employees ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), kabilang ang dalawang bingi, nang walang sapat na dahilan. Ang pagsibak sa 7 empleyado ay isinagawa sa pamamagitan ng isang Board Resolution ng KWF na may petsang Mayo 13, 2024.

Ang walong (8) komisyoner na lumagda sa Board Resolution upang matanggal sa trabaho ang pitong empleyado ay pinangunahan ng tagapangulo na si Arthur P. Casanova, kasama ang mga komisyoner na sina: Christian Tan N. Aguado, Hope S. Yu, Reggie O. Cruz, Jesus C. Insilada, Abraham P. Sakili, Melchor E. Orpilla, at Jimmy B. Fong. Tatlong full-time komisyoner naman ang hindi lumagda sa nasabing resolusyon.

Ang aksyon na ito ay labag sa direktang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. noong Mayo 1, 2024 na walang sisibaking job order employees (JOs) sa mga ahensya ng pamahalaan at pinalawig pa nga ang kanilang kontrata.

Ayon sa KWF Board Resolution, ang pagsibak sa mga empleyado ay dahil umano sa kanilang reklamo sa Ombudsman laban kay KWF Chair Art Casanova at iba pa, kaugnay sa di-maipaliwanag na pagkawala ng Php 1.8 milyon ng KWF noong 2023. Ang reklamo ay isinampa ng isa sa pitong sinibak na empleyado noong Pebrero 2024 dahil sa hindi sila pinapasweldo ng ilang buwan. Nakapagsweldo lamang ang mga empleyado nang utusan ng Manila Regional Trial Court si Chair Casanova na bayaran sila. Ang pitong sinibak na empleyado ay pinahintulutang manatili sa kanilang pwesto hanggang sa katapusan ng Hunyo 2024.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng Zoom meeting ang mga Deaf Leader ng Philippine Federation of the Deaf (PFD) upang manawagan laban sa pagtanggal ng pitong kawani ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ayon sa grupo, ito ay malinaw na diskriminasyon.

Dumalo sa meeting ang mga lider ng PFD mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang sina: Pres. Mariah Agbay (PDR), Pres. Erika Allosa (Ilocos Norte Province Association of the Deaf), Pres. Joseph Pacol (CSFPDA – Pampanga Deaf Association), VP Junina (BFAD), Nicole Magpayo (ACDA), Ms. Laurice (Angeles City Deaf Association), Pres. Carol Dagani (QCAD), Hazel Bual (DAMIR – Cagayan de Oro), Julis Andrada (PDSLA), Jumer Ola (BSLI), Yvette Apurado (PFD), Shaq Formilleza (PDF), Marvin Prieto (PFD), Emmanuel Bernardino (PFD), Chery Verano (PFD), Chris Phyl (PDR), Abraham Bagasin (Bulacan Deaf Association), Jhoe (PFD), Vikki Sakilayan (PFD), Jesus Jhuvey Guevarra (BPAD), Nicole Magpayo (BLAD), Jet Romo (FDCP), Pres. Mark Kelvin (BSLI), Jumer Ola (PNASLAI), Pres. Joi Villareal (PFD), Angelo Frederico Jocson (PFD), Jay Mante (PFD) at ilan pang indibidual at grupo na nakikisimpatiya sa nabanggit na tanggalan.

Napagkasunduan ng mga lider ng PFD na magsagawa ng kilos protesta sa Liwasang Bonifacio sa darating na Mayo 31 upang tutulan ang pagsibak sa pitong job order employees ng KWF nang walang malinaw na dahilan.