Binigyan ng pagkilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 16 na opisyal at mga tauhan na nagpakita ng kagalingan sa pagresolba ng iba’t ibang uri ng krimen sa kanilang operasyon na ginanap sa Hinirang Multi-Purpose Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ngayong taon.
Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil ang pagbibigay ng Medalya ng Katangi-tanging Gawa at Medalya ng Kadakilaan sa mga piling opisyal ng pulis at tauhan mula sa iba’t ibang unit ng NCRPO.
Kinilala ang mga tumanggap ng Medalya ng Katangi-tanging Gawa sina: NCRPO Chief PMGEN Jose Melencio Nartatez Jr.; RID Chief PCOL Jess Mendez; RSOG Chief PLTCOL Edmar Tuburan; RSOG Deputy Chief PMAJ Arvin Hosmillo; at CIS Chief PMAJ Jem Delantes.
Habang Medalya ng Kadakilaan naman ang iginawad kina Pasay City Acting Chief of Police PCOL Samuel Pabonita; Makati City Chief of Police PCOL Edward Cutiyog; RDEU Chief PSSG Raymond Suriaga; PSSG Richard Gatan ng RSOG; RID, PCPT Christopher Catamora ng Southern Police District; PCMS Mark Tino ng Southern Police District; PSSG Jay Laurel ng RSOG RID; PSSG Wilbur Ramos ng QCPD; PSSG Romeo Dimaculangan ng Southern Police District; PSSG Marwin Alihuddin ng RDEU RID; at PCPL Pio Dela Peña ng Eastern Police District.
Ayon kay NCRPO Chief PMGEN Jose Melencio Nartatez Jr., kabilang sa mga pinarangalan ay ang mga opisyal at tauhan na responsable sa pagkakaaresto ng Canadian national na iniuugnay sa drug haul sa Alitagtag, Batangas. Ang mga pulis na nakahuli sa gunman na bumaril at pumatay sa isang opisyal ng LTO sa Quezon City, ang suspek sa pagpatay sa isang barangay chairman sa Muntinlupa City, at isang road rage suspect sa pamamaril sa Ayala Tunnel, Makati City.
Inihayag ni NCRPO Chief PMGEN Nartatez na mahigit 500 pulis na ang natanggal sa serbisyo simula nang siya’y maupo bilang top cop ng NCR. Halos isang libong pulis na rin ang naparusahan dahil sa paglabag sa mga polisiya at alituntunin ng Philippine National Police (PNP).
Paliwanag pa ni Nartatez, sa isang organisasyon gaya ng PNP, mayroong responsibilidad ang bawat miyembro sa kanilang mga gawain. Nangunguna dito ang commander o hepe ng bawat unit.
Sa mensahe ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, sinabi nito na ang pagkilalang ito ay patunay na hindi nagpapabaya ang mga pulis sa kanilang trabaho. Dapat talagang kilalanin ang kanilang mga kabutihan at kagalingan.
Tiniyak din ni PNP Chief Marbil na matatanggal sa serbisyo ang sinumang magbibigay dungis sa pangalan ng kanilang organisasyon. Ayon kay Marbil, iisa lang ang PNP at marapat lamang na protektahan ang imahe nito. Sisiguraduhin niyang matatanggal agad ang mga tiwaling miyembro bago pa umabot at makasuhan sa korte.
Ipinagmalaki rin nito ang galing ng kanyang mga pulis at sinabing kahit walang mga parangal, handa silang magsilbi sa lahat. At bilang pagtalima sa tema ng Bagong Pilipinas, tinitiyak nito na prayoridad ng PNP ang kaligtasan ng bawat mamamayan.