PASIG CITY – Sa unang arangkada ng Kapihan sa Metro East Media Forum na inorganisa ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps at sinuportahan ng Pinoy Ako advocacy group noong Miyerkules (Hulyo 31), naging panauhing pandangal ang Chief Financial Officer ng St. Gerrard Charity Foundation na si Cezarah Discaya, kasama si Atty. Ian Sia.
Sa unang bahagi ng forum, ibinahagi ni Discaya ang dedikasyon ng St. Gerrard Charity Foundation sa medical mission advocacy. Si Discaya, na tubong Pasig at kilalang personalidad sa social media, ay naglahad ng kanilang personal na karanasan sa hirap ng pagbili ng gamot para sa yumaong kapatid. Ito ang naging inspirasyon upang ilunsad ang medical mission.
Binanggit ni Discaya ang malaking pangangailangan ng mga Pasigeño para sa tulong medikal tulad ng mga gamot, saklay, wheelchair, at pinansiyal na suporta. Layunin ng foundation na ipaalam sa mga residente ng Pasig na ang kanilang mga serbisyo ay mula sa tunay na hangaring tumulong sa mga nangangailangan.
Ang St. Gerrard Charity Foundation, na walong taon nang tumutulong hindi lamang sa komunidad ng Pasig kundi pati sa ibang lugar sa bansa, ay nagsimula sa Zamboanga City at iba pang lugar.
Sa Pasig, sinimulan ng foundation ang kanilang gawain sa Barangay Bambang at ngayon ay umaabot na sa siyam na barangay ang kanilang naseserbisyuhan. Ang susunod nilang medical mission ay gaganapin sa Barangay Kalawaan at layunin nilang abutin ang 30 barangay sa buong Pasig.
Nilinaw din ni Discaya ang mga maling akala tungkol sa koneksyon ng foundation sa pamilya Eusebio at sinabi na walang katotohanan ito. Ang foundation ay ipinangalan sa kanilang anak na si Gerrard.
Sa forum, ibinahagi rin ni Atty. Ian Sia, na tatakbo bilang kongresista ng Pasig City, ang kanyang mga pananaw sa iba’t ibang isyu. Binanggit niya ang imbestigasyon kay suspendidong Mayor Alice Guo at kinuwestyon ang iminungkahing PHP 9.6 bilyon na budget ni Mayor Vico Sotto para sa bagong Pasig City Hall complex. Para kay Sia, sobrang mahal ito kumpara sa bagong gusali ng Senado na nagkakahalaga ng PHP 8.2 bilyon.
Ayon kay Sia, dapat unahin ng pamahalaang lokal ang kalusugan at edukasyon ng mamamayan kaysa bagong gusali. Aniya, kung kulang ang pondo, bakit inuuna ang bagong City Hall? Sino ang makikinabang dito? Hindi naman ang mga may sakit, estudyante, o nagtatrabaho sa Pasig.
“P9.6 bilyon ay maaaring gamitin para magpatayo ng maraming ospital at magbigay ng serbisyong medikal sa mga pasyente. Mas magandang ipagmalaki ng Pasig ang pagkakaroon ng magarang ospital na parang St. Luke’s o Medical City, ngunit libre para sa mahihirap, kaysa sa bagong City Hall. Kasama na dito ang paggamit ng PhilHealth para sa mas abot-kayang serbisyong medikal.”
Sinabi pa ni Atty. Sia, “Kung kaya ito ng Makati, kaya rin ng Pasig. Lalo na’t ang budget ng Pasig ngayon ay nasa PHP 17 bilyon, halos triple mula PHP 6.3 bilyon noong 2010. Sa laki ng budget na ito, tatlong City Hall ang kayang patakbuhin. Kaya, imbis na sa bagong gusali, ilaan ang sobrang pera sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon na may pangmatagalang benepisyo.”
Ang PaMaMariSan-Rizal Press Corps ay binubuo ng mga kinatawan mula sa The Daily Tribune, Abante, Pilipino Mirror, Noonbreak Balita, DZRJ, SDN, Malaya Business Insight, Mabuhay, Leader News, MHE, Remate, DWWW774, Radyo Veritas, at Brabo News.