Inihayag ni Congressman Wilbert “Manoy” T. Lee ang kanyang pagkadismaya sa kakulangan ng aksyon ng Department of Health (DOH) sa mga mahahalagang isyung pangkalusugan. Kanyang binigyang-diin ang mabagal na pagpapatupad ng pagtaas ng benepisyo ng PhilHealth at ang hindi pagsama ng mga mahal na diagnostic tests sa mga health insurance packages, sa kabila ng pagkakaroon ng bilyon-bilyong pondo ng PhilHealth.
Ngayong araw, sisiyasatin ni Lee ang mungkahing budget ng DOH para sa 2025 sa plenary debates ng Kongreso. Dati na niyang kinuwestiyon ang DOH, na namumuno sa PhilHealth Benefits Committee, dahil sa hindi pag-update ng mga benepisyo ng PhilHealth upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro.
“Sa deliberasyon ng budget ng DOH sa Kongreso, titignan natin kung bakit naantala at nananatiling limitado ang mga benepisyo ng PhilHealth, sa kabila ng bilyon-bilyong pondo nito. Malaki pa ang kailangang pagbutihin ng ating sistema ng pangkalusugan para mas mapagsilbihan ang publiko,” ayon sa kongresistang mula sa Bicol.
Sa isang nakaraang DOH Budget Briefing noong Setyembre 4, binigyang-diin ni Lee ang mahigit P500 bilyong halaga ng investments ng PhilHealth at binalaan ang DOH na kanyang haharangin ang kanilang panukalang budget kung hindi matutugunan ang mga isyung kanyang inilabas tungkol sa mga pondo ng PhilHealth.
“Noong nakaraang taon, natuklasan natin ang bilyon-bilyong pondo ng PhilHealth at iginiit natin na gamitin ito hindi lang para bayaran ang utang sa mga ospital, kundi pati na rin sa pagpapalawak ng mga benepisyong pangkalusugan,” paliwanag ni Lee.
“Hanggang ngayon, kulang pa rin ang mga serbisyong kanilang naibibigay. Isang malaking pagkakamali sa bayan kung ang mga pondong ito ay hindi magagamit o ililipat sa mga programang hindi kasing kritikal tulad ng pangkalusugan,” dagdag pa niya.
Bilang masugid na tagapagtaguyod ng mga reporma sa kalusugan, matagumpay na naisulong ni Lee ang 30% pagtaas ng benepisyo ng PhilHealth noong Pebrero 2024. Sa kasalukuyan, isinusulong niya ang karagdagang 50% pagtaas ng coverage ng PhilHealth.
Simula pa noong Marso, isinusulong na ni Lee ang pagsasama ng mga serbisyong optometriko at mga mahal na diagnostic tests tulad ng MRI, PET, at CT scan sa mga urgent care packages ng PhilHealth.
Ngayong araw din, magtatanong si Lee tungkol sa mungkahing budget ng Department of Agriculture para sa 2025, na tututok sa seguridad sa pagkain at pagpapababa ng presyo ng mga pagkain.
“Ang pera ng gobyerno ay pera ng taumbayan. Tungkulin natin na tiyakin na ang mga pondong ito ay magagamit para makamit ang murang pagkain at libreng gamot at pagpapagamot para sa bawat Pilipino. Laban natin ito, lahat! Gawin na natin!” pahayag ni Lee.