Muling idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang kasalan sa piitan noong Miyerkules Setyembre 25, 2024, sa pamumuno ng City Civil Registry Department at sa tulong ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Mandaluyong.
Pinangunahan ni Mayor Ben Abalos ang seremonya ng kasal para sa 23 magkasintahan, kabilang ang 29 na persons deprived of liberty (PDL) o mga bilanggo.
Ginanap ang kasalan sa Mandaluyong City Jail at dinaluhan nina Vice Mayor Menchie Abalos, BJMP-NCR Regional Director Jail Chief Supt. Clint Russel Tangeres, mga opisyal ng city jail, mga konsehal ng lungsod at ilang kamag-anak at magulang ng mga ikinasal.
Ayon kay Mayor Abalos, layunin ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga PDL na gawing legal ang kanilang pagsasama. Ito ay makakatulong sa mas madaling pagproseso ng pagiging lehitimo ng kanilang mga anak sa birth certificate. Dagdag pa ng Alkalde na posibleng magkaroon pa ng ikatlong kasalan sa susunod na taon.
Ang ‘Kasalan sa Piitan’ ay bahagi ng ‘Re-integration, Reformation Program’ ng pamahalaang lungsod at city jail para sa mga PDL na nagpapakita ng magandang pag-uugali sa ilalim ng good conduct time allowance.