image

PASIG CITY – Noong Oktubre 11, inanunsyo ni Cezarah “Ate Sarah” Discaya, isang negosyante at pilantropo, na ang kanyang mga pangunahing programa kung siya ay mahalal bilang alkalde ng Pasig ay tututok sa kalusugan, pabahay, at edukasyon.

Sa isang press conference na ginanap sa St. Gerrard Corporation sa Barangay Bambang, sinabi ni Discaya na ang kalusugan ang magiging pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon. Ibinahagi niyang marami ang lumalapit para sa libreng gamot, CT scan, at MRI, kaya’t itutuon niya ang pansin sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan para sa mga Pasigueño.

Isa rin sa mga layunin ni Discaya ang pabahay para sa mga taga-Pasig. Nangako siyang magpapatayo ng mga bahay at aaksyunan ang mga problema sa basura at kalinisan ng mga palengke. Bagama’t walang eksaktong bilang ng benepisyaryo, binanggit niya na mayroon ng nabiling lupa ang lokal na pamahalaan para sa mga proyekto sa pabahay.

Isusulong din ni Discaya na gawing “Smart City” ang Pasig sa pamamagitan ng paglalagay ng mga gumaganang CCTV camera sa buong lungsod upang mapabuti ang seguridad at kapayapaan. Isa pang mahalagang isyu na nais solusyunan ni Discaya ay ang drainage system ng Pasig, partikular sa C. Raymundo Avenue na madalas bahain.

Ipapanukala rin ni Discaya ang pagbabago sa mga patakaran ng scholarship. Ayon sa kanya, ang mga estudyanteng pumapasa ay dapat bigyan ng pagkakataon kahit hindi umabot sa 95% ang kanilang grado, na kasalukuyang requirement. Sa loob ng dalawang taon, nagbibigay ng tulong-medikal ang St. Gerrard Charity Foundation ni Discaya sa mga Pasigueño. Nangako siya na magpapatuloy ito kung siya ay mahalal bilang alkalde.

Ayon kay Atty. Sia, legal na tagapayo ni Discaya, mahalaga ang pagkakaroon ng isa pang kinatawan sa Kongreso para mas mabilis at mas mahusay na maihatid ang serbisyo sa mga mamamayan, lalo na sa panahon ng krisis. Kasama rin sa kanyang plataporma ang paggamit ng teknolohiya para solusyunan ang pagbaha, partikular sa Pasig River at Floodway, at ang pag-recycle upang makalikha ng trabaho para sa mga residente.

Sa pagtatapos ng press conference, hinamon ni Discaya si incumbent Mayor Vico Sotto na pumirma ng isang “peace covenant” o kasunduan para masigurong magiging maayos, payapa, at tapat ang eleksyon sa Pasig. Iminungkahi niya ang kasunduang ito upang maiwasan ang kalituhan at siraan sa pagitan ng mga lider at tagasuporta.

Binigyang-diin ni Discaya na ang kanyang kampanya ay para sa pagseserbisyo sa publiko. Siniguro rin niyang magiging transparent at mabilis ang serbisyo ng pamahalaan, kung saan walang suhol na kakailanganin para mapabilis ang proseso.

 image

image

image