QUEZON CITY – Noong Miyerkules, Oktubre 16, ipinagdiwang ang “World Pandesal Day” sa Kamuning Bakery Cafe, na dinaluhan ni Senador Imee Marcos at dating Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Sa nasabing okasyon, namahagi sila ng 100,000 pandesal at iba pang pagkain sa mga pamilyang mahihirap at mga ampunan sa Quezon City. Ang taunang selebrasyon ay pinangunahan nina Marcos at Lacson, kasama ang iba pang kilalang personalidad, na naglalayong bigyan ng solusyon ang problema sa gutom at ang pangangailangan ng ilang sektor ng lipunan.
Sa ginanap na Pandesal Forum, binigyang-diin ni Marcos na bagama’t independent candidate siya, may alyansa siya sa isang political party. Tinawag niya ang selebrasyon bilang “Independent Pandesal Day” at binanggit ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain.
Inilahad din ni Marcos ang kanyang intensyon na muling tumakbo bilang senador, dahil naniniwala siyang maraming magsasakang Pilipino ang nakinabang sa pagkakansela ng utang ng mga agrarian reform beneficiaries. Dagdag pa niya, mahalaga ang pagpapalakas ng mga kooperatiba bilang solusyon sa problema ng gutom. Binanggit din niya ang pangamba na, sa pagdating ng 2030, maaaring lahat ng pagkain at produktong agrikultural sa bansa ay maging imported na.
Bukod dito, ipinagmalaki ni Marcos ang pagpasa ng Creative Industries Law na lumikha ng Creative Industries Council. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-aaral sa iba’t ibang platform ng pelikula tulad ng Netflix para palawakin ang industriya ng sining sa bansa.
Samantala, ipinahayag ni Lacson ang kahalagahan ng pagsugpo sa gutom ng mga Pilipino. Aniya, sa loob ng 18 taon ng kanyang serbisyo sa Senado, natuklasan niyang nawawalan ang bansa ng P300 bilyon dahil sa korapsyon. Dagdag pa niya, kinakailangan ang pagpapalakas ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP upang mas maging independyente ito sa pagsisiyasat sa mga pulis.
Ang selebrasyon ng World Pandesal Day ay sinuportahan din ng iba’t ibang kumpanya at mga personalidad, kabilang sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Bise Presidente Sara Duterte, Senador Sherwin Gatchalian, at Rep. Camille Villar.
Parehong tatakbo bilang mga independent candidate sina Imee Marcos at Panfilo Lacson para sa pagka-senador sa darating na May 12, 2025 midterm elections. (Photo by: JIMMY CAMBA)