image

PASIG CITY — Dalawang kilalang kaalyado ni Mayor Vico Sotto sa politika ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya nitong Biyernes (Nobyembre 15) dahil umano sa mga napakong pangako ng alkalde mula nang mahalal bilang mayor ng Pasig.

Sa isang press conference na ginanap sa Calle Preciousa Restaurant, inihayag nina dating Barangay Bambang Konsehal Ram Cruz at dating Barangay Manggahan Konsehal Bobby Hapin ang kanilang pagkadismaya. Inanunsyo rin nilang tatalikod na sila kay Mayor Sotto at sinabing may iba pang mga tagasuporta na maaaring sumunod sa kanilang desisyon.

Plano nina Hapin at Cruz na tumakbo bilang mga independent na kandidato para sa pagka-konsehal sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025. Isa sa mga binanggit na dahilan ni Hapin sa kanyang pagkalas ay ang hindi umano pag-aasikaso ni Mayor Sotto nang maaksidente siya at masugatan matapos mabangga ng isang taxi. Ayon kay Hapin, hindi man lang siya kinumusta ni Sotto dahil abala raw ito sa isang political campaign.

Pahayag ni Hapin, “Nakikita ng mga tao kung paano nagtatrabaho ang kasalukuyang mga opisyal. Kung wala namang pagkukulang si Mayor Sotto, wala itong dapat ikabahala. Ngunit, kung may mga pagkakamali, dapat itong harapin at bigyan ng solusyon.” Dagdag niya, dapat pang pagbutihin ng alkalde ang pagtupad sa mga pangakong binitiwan noong panahon ng kampanya.

Naniniwala rin sina Hapin at Cruz na hindi sapat ang serbisyong pangkalusugan sa Pasig, sa kabila ng budget ng lungsod na nasa P17 bilyon hanggang P22 bilyon. Binanggit nila ang kakulangan sa mga gamot at pasilidad sa mga health center at ang pangangailangan ng karagdagang paaralan at mga oportunidad para sa mahihirap.

Bukod dito, tinuligsa rin nila ang pamamahala sa pondo ng lungsod, kabilang ang P9.6 bilyong pondo para sa bagong Pasig City Hall. Inakusahan din nila si Sotto ng pagbalewala sa mga isyu tulad ng paggamit umano ng troll accounts sa pulitika at ang kontrobersiyang may kinalaman sa isang political adviser na may umano’y troll army, na bigla na lamang umanong pinagretiro.

Bagamat kinilala nila ang mga nagawa ni Sotto, tulad ng paglaban sa korapsyon, iginiit nilang hindi ito sapat. Ayon pa sa kanila, kulang ang alkalde sa pakikipag-ugnayan sa mga karaniwang Pasigueño. Gayunpaman, nilinaw nina Hapin at Cruz na hindi sila makikipagsanib sa mga kalaban ni Sotto at mananatiling independent na mga kandidato sa darating na eleksyon.

Sabi ni Cruz, “Patuloy kaming magtatrabaho para sa aming mga adhikain na magbigay ng ‘daloy ng pag-asa’ para sa mga Pasigueño.”

image